Monday, September 8, 2008

Ryan Percol



Batang Palengke

By: pErky_Percol

Naisip mo na ba? Naisip mo na ba ang buhay ng isang trabahador sa pamilihang bayan? Yung gigising ka ng maagap upang simulan ang iyong trabaho na habang ang buong mundo ay tulog. Na sisimulan mo ang umaga ng iyong buhay na walang sikat ng araw na maaninag.

Naisip mo na ba yung araw na mawawala ang hiya mo sa kapwa upang makabenta lang? Yung bang babatiin mo yung isang tao kahit hindi mo siya kilala. Na kaylangan mong pakisamahan lahat ng tao sa palengke para marami kang kaibigan at suki. Ang pagkapal ng mukha mo para lang gamitin sa pakikipagsales-talk sa mamimili. Yung pambobola sa tao at hindi sa iyong nililigawan upang mabenta ang panininda mo. Ang pakikipag talo mo sa kapwa tindero na ng aagaw ng suki. Yung nakatayo ka sa buong maghapon na halos mamitig ang iyong binti kung maraming namimili. At yung araw na nag-iinit ang iyong pige dahil sa wala kang mamimili. Ang araw na walang tulugan lalo na kung Pasko, Bagong Taon at iba pang okasyon. Ang araw na mapapaisip ka kung saan mo kukunin ang pambabayad sa utang sa supplier. At higit sa lahat yung maranasan mo yung pagod na pagod ka maghapon sa pagtartrabaho ngunit pagdating ng hapon ang iyong kita ay kulang pa rin sa mga gastusin mo. Ilan lang iyan sa maari mong maranasan kung ikaw ay magiging tindero sa palengke.

Ang pagkakaroon ng negosyo sa pamilihang bayan ng aming pamilya ay mahirap na tungkulin kung kaya’t ako din mismo ay natutong magtrabaho sa palengke. Naging katulong ako sa pagtitinda ng gulay sa palengke simula pagkabata hanggang ngayon hindi ko na maalis ang pagtulong sa aking magulang sa palengke. Kasi naman lumaki na ako na namumuhay ako kasama ang aking pamilya sa pagtratrabaho sa pamilihang bayan. Mahirap maging batang palengke. Sabi nga ng marami, malaki ang maiibigay sa iyong buhay ng iyong kapaligirang ginagalawan. Ang iyong ugali at pakikipagkapwa ay maari mong makuha sa iyong kapaligiran. Kung anung ugat ay siya din ang bunga.

Madaling isipin na ang buhay ay madali at masaya, ngunit hindi ganun lahat ng buhay. Ang buhay ng isang batang nagtratrabaho sa palengke ay hindi basta-basta, ito ay puno ng kulay at talagang makabuluhan. Naranasan mo naba yung gigising ka ng alas kuwatro ng umaga upang simulan ang iyong araw ng paghahanap – buhay. Kung iisipin napakaagap nito pero ito ang katotohanan na nangyayari sa mga pamilihang bayan dito sa ating bansa, dahil sa hirap ng buhay kaylangan agapan para makarami ng benta sa maghapon. Ang buhay ng isang tindero sa palengke ay isang digmaan na halos walang katapusan, tulad na lang ng pagdating ng umaga na madami na ang mamimili ay simula na ng labanan na ang tanging sandata ay ang galing sa sales-talk at pambobola. At isa pang masaklap ay sa gitna ng labanan ay halos malimutan mo na ang pagkain ng agahan dahil sa kagustohang bumenta ng marami.

Pagsapit ng tanghali ay oras na ng pahinga upang maghanda muli sa susunod na bakbakan sa hapon. Eto na nga ang hapon na kay lilom na nagsasabi na simulan na muli ang labanan para sa aking kinabukasan. At pagsapit ng dilim ay nagsasaad nang muling pagsasara ng pamilihan para sa paghahanda sa bagong bukas na darating. Kung iisipin ay parang normal pero kung inyong mararanasan ay baka hindi mo kayanin. Ang ganitong buhay ay puno ng kulay na maaaring kalungkutan o kasiyahan, at puno ng pakikipagsapalaran sa buhay.

“Batang palengke, ugaling palengke.” Maraming nagsasabi na hindi maganda ang may ugaling palengke pero sa totoo lang hindi lahat ng ugaling palengke ay walang naiidulot na maganda sa halip ay ito ay may kapakipakinabang na dulot sa ating buhay. Una, natututo ang taong makitungo sa kapwa. Pangalawa, nalalaman ang ganda ng buhay habang nasa murang edad pa lang. At isa pa, ay yung pagkatuto na mamuhay sa sariling pagod at pawis. At higit sa lahat ay nagiging masipag ang isang bata kung sila ay lalaki sa isang pamilihan dahil dito ay matututo ka na magsipag upang mabuhay.

Ugaling palengke mahirap aralin at baguhin. Dahil sa ito ay maaari mo lang matututunan sa kapaligirang iyong ginagalawan, kapaligirang tulad ng palengke. Dahil dito mo lang makikita yung mga bagay at mga ugali ng tao na wala sa ibang lugar. Gawain na tulad ng mga sigawan sa umaga, tadtaran ng karne sa madalingaraw, hagikhikan sa tanghali sa oras ng chikahan at maingay na pagsasara sa gabi. Mga salitang pambola sa mamimili ang iyong maririnig sa mga tindero. Mga asaran para may kasiyahan sa maghapon. At mga tinginan na parang nahihili pagmarami ang nabili sa kabilang tindahan. Ang mga batang naghahabulan sa hapon kalaro ang kanilang mga kaibigan sa palengke. At ang biglang sigawan kung may naghahabulan ng taga at nagsusuntokan sa may karnihan at biglaang darating ng mga tanod para umawat sa kaganapan.

Hindi rin naman nawawala ang panahon ng kasiyahan at tawanan. Ang paglalaro sa mga anak at apo ang mga magtitinda sa pamilihan dahil sa ang lilikot ng mga bata. Ang pagkakaron ng mga outing kasama ang mga maninindahan para naman makapagrelax at makipagbonding sa iba. Ang walang patid na kantahan kapag mga lasing na sa party. At ang walang patid na usapan tungkol sa mga teleserye sa T.V. na kanya kanyang sinusubaybayn ng bawat isa, na sila daw ay halos mapaluha na sa mga kaganapan at mapatawa sa komedya na napanuod. At hindi mawawala sa buong maghapon ang hindi ka makakakita ng mga palengkero at palengkera sa pamilihan na talaga namang walang patid sa pakikipagbalitaktakan sa mga tindero tungkol sa mga bagong chika sa buong bayan. Sila yung mga taong madaming alam sa mga chismis sa bayan at hindi na uubusan ng maiimik sa daling sabi madaldal na tao.

Iilan lang yan sa maari mong makuha na ugali sa isang pamilihang bayan, ugaling sa unang tingin ay hindi maganda at walang saysay sa buhay ng isang taong puno ng pagsisikap sa buhay. Pero maganda na mututunan ang mga ganitong bagay upang magamit sa pagdating ng takdang panahon. Panahon na haharapin na ang mga problema sa buhay. Kung marami ang umaasa na ang batang palengke ay may masamang ugali dun sila nagkakamali. Dahil sa ako ay lumaki ng puno ng pangaral sa aking mga magulang.

Ang isang kabataang lumaki sa isang kapaligirang hindi kaayusan ang kalagayan ay nararapat lang na mabigyan ng masugid na patnubay ng magulang sa kanyang pangaraw – araw na pagsulong sa buhay. Sa kadahilanang baka ito ay maligaw ng landas na tinatahak. Ito ang huhubog sa kanyang pagkatao at paggawa ng pananaw sa buhay. At yun nga ang kagandahang nagawa sa akin ng aking magulang, dahil sa sila ang aking nagging patnubay sa aking pagtahak sa magulong landas ng buhay. Pinangaralan nila ako tungkol sa pagkakaron ng isang magandang asal at pananaw sa buhay. Asal na aking nagagamit pa hanggang sa mga panahong ito at pananaw na nagigi kung gabay sa pagabot sa aking mga pangarap sa buhay. Ang pananaw na ang buhay ay puno ng pagsubok na kaylangang lampasan upang makamtan ang bawat tagumpay. Na ang bawat pagsubok ay may kaukulang dahilan kung kaya’t ito ay pinararanas sa atin. Kadahilanang tayo ay hinuhubog para mas maging matibay na mamamayan. Mamamayang magsisimula ng pagbabago sa ating lipunan. Sa lipunan na puno ng paghihirap at pagsubok na kaylangang malampasan upang makamit ang ating minimithing tagumpay.

No comments: