Monday, September 8, 2008

Rodney De Guzman



Swerte ba o Malas?

by: Rodney A. De Guzman

Nagsimula ang lahat nang isang gabing umuwi ako ng walang kasama sapagkat ang kuya ko ay may tour. Sa bus nalang ako sumakay dahil gabi na ng ako ay makaalis dito sa Lucban, mga 7:30 ng gabi. Apat at kalahating oras din ang biyahe mula dito sa Lucban hanggang sa amin, sa Lopez. Walang anu-ano’y nakita ko ang aking sarili na nakahiga sa tapat ng isang gusali, nilalamig at mga karton lang ang nagsisilbing banig sa aking tinutulugan, ng sandaling ako’y mapadungaw sa bintana ng bus. Sa mga oras na yun ay hindi ko alam ang aking gagawin para tumigil ang oras na wala akong maisip. Mabilis na ang pagpapatakbo ng driver sa bus, kaya naman ng ito ay huminto ay sumubsob ang mukha ko sa aking bag. Dahil dito ay nagising ako, pawisan at halos masakop ko ang bangkong pangtatlong tao ang laman.

Panaginip! Oo, panaginip nga ito ang nasabi ko sa aking sarili, ngunit may kaba sa aking dibdib na para bang may gustong ipahiwatig ang aking panaginip. Hindi ko tuloy napigilan ang aking sarili na isipin ang aking hinaharap, na maaring ang hatid ng aking panaginip ay hindi ako makakatapos ng pag-aaral. Babagsak siguro ako at dahilan ito upang hindi na ako pag-aralin ng aking mga magulang at ang pinakamasaklap pa nito ay baka pabayaan na lang nila akong maimpluwensyahan ng masasamang bisyo. Ang malas ko naman kung magkakatotoo ang mga ito. Sumilip muli ako sa bintana, ngunit may kaunting takot na baka mangyari ang panaginip ko, napansin ko na nasa crossing na pala ng Plaridel at Atimonan. Isang oras na lang at makakauwi na ako. Medyo lumipas na ang lima hanggang sampung minuto bago ko naisip na kabaliktaran nga pala ang nangyayari sa iyong panaginip sabi ng matatanda, kaya naman napangiti ako dahil pumasok sa aking isipan na magiging matagumpay ako, makakatapos ng pag-aaral at makakapasa sa board at higit sa lahat ay makakapagtrabaho ako sa NASA at naibulong ko sa sarili na napakaswerte ko naman yata.

Swerte ba o malas, yan nga pala ang pamagat ng kwentong ipapasa ko sa Filipino 02, requirements nga pala na gumawa ng isang sulatin upang makakuha ng midterm exam. Naalala ko tuloy ang mga iyan. Inilibot ko ang aking mga mata mula unahan hanggang likod ng bus upang tingnan o makita kung ano at sino ang aking mga kasama sa bus, tumingin ako sa labas upang makita rin ang uri ng mga bahay, dito na nagsimula ang pag-iisip ko kung may swerte nga ba o malas sa buhay ng tao. Ngunit walang saysay kung ibabase ko lang sa mukha at sa uri ng bahay ng tao kung may swerte nga ba o malas. Baka walang bumasa nitong sulatin ko kung yun lang ang magiging dahilan. Kaya hinintay ko na lang na makarating na sa Lopez ang aming sinasakyang bus.

Nang makarating na ako sa amin ay kumain muna ako, nanood ng TV at natulog na. Sa sandaling ako’y nagising, agad akong nagpasalamat sa D’yos dahil buhay pa rin ako. Tulad ng dati, maaga palang, ang mga kapitbahay namin ay nagtsitsismisan na, wala yata silang alam na gawin kundi iyan, dyan nalang nauubos ang kanilang oras. Dahil sa nautusan ako na magwalis sa tapat ng bahay namin ay naririnig ko kung anu-ano ang kanilang pinag-uusapan. Ang isa ay may-ari ng pinakamalaking grocery sa Lopez at sa aking pagkakarinig, nanalo lang daw naman sa Super Lotto kaya naging mayaman si Bong(kilala kasi sa tawag na yan ang may-ari nung grocery), jackpot, 96 milyong piso ang sabi-sabi nila. Nagitla ako, ang laki naman ng napanalunan niya, sa pagkakataong ito ay masasabi ko na maswerte si Bong, dahil sa dinami-dami ng tumataya sa lotto ay siya ang nanalo ng jackpot. Milyon-milyong Pilipino rin kasi ang tumataya sa lotto na umaasa na manalo. Eh ang tatay ko nga, araw-araw ding tumataya sa lotto, malamang nga mula pa ng nagsimula ang lotto, ngunit hanggang ngayon hindi pa rin makajackpot at kung kukwentahin ang naitaya na niya, siguro milyon na rin. Swerte nga si Bong kasi wala naman ibang magiging dahilan, ano ang pagsisikap niyang tumaya sa lotto at may kasamang dasal. Sa wari ko naman ay ganyan din ang ginagawa ng ibang tumataya sa lotto.

Tanghalian na! Totoong kay bilis ng oras at panahon. Karaniwan sa mga Pilipino ay nanood ng noon-show o yung mga gameshow tulad ng Eat Bulaga at Wowowee. Pero maka-kapuso kami kaya Eat-Bulaga ang pinapanood namin pagkatapos kumain. Lalo na ang Taktak Mo o Tatakbo, dito ay mamimili ka sa mga tanong na hawak nina Vic At Joey, ito ay elimination round. Dito pa lang ay mukhang nakakalamang na si Gwen, kasi halos lahat ng napili niyang tanong ay madali, hindi tulad ng ibang kalahok. Dahilan ito upang makapasok siya sa jackpot round, dito ay kailangan niyang paikutin ang roleta upang malaman kung magkano ang mapapanalunan mo. May tatlong roleta sa round na ito na palaki ng palaki ang makukuhang premyo, sa una at ikalawang roleta ay parehong P10,000 ang nakuha niya kaya meron na siyang P20,000 at ang taktak fee ni Manager ay kalahati kaya naman balik P10,000 yung pera n’ya, ngunit pagdating sa ikatlong roleta ay walang anu-ano, P1,000,000, parang pelikula, nagpapatalo muna ang bida tapos babawi sa huli, bali may P1,010,000 siya pati ang kanyang homepartner. Ininterview si Gwen at ang sabi ang swerte daw nya, sapagkat alam niyang marami ang nagbabakasakali na manalo rin dito at ganon din ang sabi ng homepartner nya, na sabi ay manood at magtext din kayo dahil baka kayo na ang sunod na swertehin!

No comments: