Monday, September 8, 2008

Dawil Ona



Iyon lang pala

by: The First Will

Mahapdi ang sikat ng araw na tumatama sa mala-kayumangging balat ng mga taong dumaraan sa kalsada. Ayaw man nilang maambunan nito, wala silang magawa sapagkat walang lilim na masisilungan.

Habang naghihintay ng daraang bus, aking minamasdan ang bawat taong dumaraan sa harap ng aking kinauupuan. Iba’t-iba ang hugis ng kanilang mukha, gayundin ang emosyong makikita sa kanilang mga mata. Maraming nagmamadali na parang nakikipaghabulan sa oras kahit wala silang pag-asang maabutan ito.

“Ano ba? Tumingin ka naman sa dinaraanan mo!” Ang sigaw ng isang binibini na nabangga ng isang lalaking walang pakialam sa mga nakakasalubong sa daan.

Sumakay na ako sa bus na unang dumaan. Ayaw kong naghihintay ng matagal. Mahalaga ang oras at isa pa, marami akong dapat gawin.

Simula pagkabata, malaki na ang ibinibigay kong halaga sa oras. Bawat segundo ay mahalaga, marapat lang na sa lahat ng pagkakataon ay may mahalagang bagay na ginagawa.

Itinuturing kong ginto ang oras. Bawat araw na lumilipas ay isang pirasong bara na nawawala sa aking hawak na kayamanan. Kaya wala akong sinasayang na kahit isang sandali. Lagi kong ginugugol ang aking mga bakanteng oras sa pag-aaral. Naniniwala kasi ako na kapag nakapagtapos ako ng kolehiyo bilang cum laude, may mapapatunayan na ako at magagawa at makukuha ko na ang lahat ng aking ninanais.

Sa tuwing natatapos ang pagsusulit, palagi akong inaakit ng aking mga kamag-aral sa inuman upang makalimutan daw ang mga babagsaking eksam. “Sumama ka na. Maglibang ka naman kahit paminsan-minsan lang!” Ang paulit-ulit nilang sinasabi sa akin. Subalit hindi ko tinatanggap ang masugid nilang paanyaya. Kailangan ko pang pag-aralan ang susunod na paksang tatalakayin sa bawat asignatura.

Masarap sa pakiramdam kapag maraming humahanga sa’yo. Bawat papuri nila ay isang pulgada na dumaragdag sa aking tangkad. Nararamdaman ko na tinitingala ako ng bawat taong nakapaligid sa akin, na hindi nila ako kapantay, na hindi ako basta-basta.

”Ang galing mo naman! Paano mo ba nagagawa iyon? Ikaw na naman ang pinakamataas,” ang kadalasang sabihin sa akin ng mga kaklase ko pagkakatapos malaman ang resulta ng eksamin. Pumapalakpak ang aking tenga sa tuwa sa tuwing maririnig ang mga pagkilalang nagmumula sa kanilang mga labi.

Subalit, kasama noon ang pangambang maputulan ng paa, ang madapa at ‘di na muling makalakad pa. Natatakot ako na mangyari sa akin iyon, kaya patuloy kong pinipilit tapusin ang aking mga nasimulan kahit nararamdaman kong may kulang sa aking buhay. Hanggang meron akong paa, patuloy ko itong ihahakbang upang makamit ang aking mga adhikain.

Bata pa lang, hinahangaan na ako. Napansin na agad ng aking mga magulang ang kakaiba kong husay. Hindi ako naging pangkaraniwang bata. Sa halip na maglaro sa parang kasama ang mga kasing-edad, mas pinipili kong mag-aral sa pagbasa at pagsulat ng mga salita na sa paaralan karaniwang ginagawa. Lalo pa nilang napuna ang kakaiba kong talino nang ako’y nag-aral sa elementarya. Simula sa unang baitang hanggang sa ika-anim ay ako ang nangunguna sa klase. Ako rin ang pinipili ng mga guro upang kumatawan sa paaralan sa bawat tagisan ng galing. Hindi naman ako napapahiya, nakakaya kong panindigan lahat ng aking ginagawa. Nagtapos ako taglay ang pinakamataas na karangalan, na naging dahilan ng lalo pang pagmamalaki sa akin ng aking mga magulang at mga kapatid. Subalit parang may kulang…

Matulin ang takbo ng sinasakyan kong bus. Mabuti iyon at makakarating agad ako sa aking patutunguhan. Iyon nga lang, may bahid ng panghihinayang akong nadama. Hindi ko kasi namasdan ang tanawing palagi kong tinititigan sa tuwing daraan ako sa lugar na iyon – ang matayog na bundok na pinaiibabawan ng bughaw na papawiring napapalamutian ng mapuputing ulap at ibong tagak na nagliliparan. Madarama mo ang katahimikan at kaginhawaan sa iyong kalooban.

Masarap balik-balikan ang lugar na iyon gaya ng pagbalik sa oras na nakamit ko ang bawat tagumpay na aking pinagsikapan. Para sa akin, maraming sukatan ang tagumpay. Ang bawat problemang kinakaharap na nabibigyan ko ng solusyon, ang bawat laban na naiipanalo at ang bawat pangarap na naaabot ay itinuturing ko nang tagumpay.

Akala ko, sa pagtungtong ko ng sekundarya, ay aking mapupunan ang kakulangang naramdaman nung nasa elementarya pa lamang. Mas pinagbuti ko ang aking pag-aaral sa pag-asang dito ko makukuha ang kukumpleto sa aking buhay na matagal ko nang hinahanap.

Subalit nagkamali ako. Lalo lang akong napalayo dito. Nasanay akong mabuhay sa inaasahan ng ibang tao sa akin. Kahit may mga bagay na ayaw kong gawin, ito’y pinipilit kong gustuhin at gawin makuha lang ang pagkilala at papuri ng iba. Sa halip na matutunan ang mahahalagang bagay na dapat malaman sa labas ng paaralan, dito’y naging mangmang. Mas pinili kong pag-aralan ang mga bagay na walang kinalaman sa aking buhay, mapataas lang ang gradong makuha sa kard at malampasan ang lahat ng aking kamag-aral at manguna sa klase.

Ang init ng panahon, pinalala pa ng usok na ibinubuga ng mga sasakyang hindi na makaalis sa kinalalagyan. Nahinto pa ang bus na aking sinasakyan sa ‘di kaaya-ayang lugar, puno ng sasakyang nagbubuga ng makapal at maitim na usok, mga taong ‘di magkamayaw sa tawaran ng presyo ng bilihin at mga batang pinabayaan ng kanilang mga magulang. Parang matatagalan pa ako bago makarating sa layong pupuntahan.

Naiinis na ako sa hindi pag-alis ng aking sinasakyang bus sa lugar na iyon, nang maalala ko na sa ganung lugar ko natagpuan ang matagal ko nang hinahanap – ang kakulangan sa aking buhay.

Bakasyon, pagkatapos ng aking pag-aaral sa sekundarya taglay ang pinakamataas na karangalan, ako ang laging pinapamalengke ni Inay. Isang araw sa aking pamimili, nakita ko ang isang lalaking double amputee na tuwang-tuwa habang tumatalon. Nasabi ko tuloy sa aking sarili, “Mabuti pa siya. Kahit kulang ng dalawang kamay ang parte ng kanyang katawan, nakakatawa siya ng animo’y walang problema. Samantalang ako, kumpleto nga lahat ng bahagi ng katawan, ang laki naman ng kakulangan na aking nararamdaman.”

Noon ko naisip na hindi lang tagumpay ang kumukumpleto sa bawat tao. Sumasaya sila dahil kontento sila sa kung ano ang meron sila at dahil sa gusto nila ang bawat ginagawa nila. Noon ko lang din naisip ang malaki kong pagkakamali. Naghahanap ako ng bagay na sa sarili ko lang matatagpuan. Nagpapakahirap akong makamit ang ninanais na nasa akin na rin, kailangan ko lang na mapagtanto ito at matuklasan ng sa sarili ko lang.

Laking pasasalamat ko sa taong iyon. Nalaman ko na ang pagiging kontento ang kukumpleto sa aking buhay. Dahil sa aking katuwaan at kuryusidad, nilapitan ko ang taong iyon upang malaman ang sanhi ng kanyang pagkatuwa sa galak. Tinanong ko siya kung bakit siya tumatalon sa tuwa. Hindi naman ako nabigo na malaman iyon. Iyon nga lang, malayong-malayo sa aking inaasahan ang kanyang naging kasagutan. “Ang kati kasi ng itlog ko, hindi ko makamot.”

Umalis na ako pagkatapos kong marinig ang kanyang sagot, na pilit pinipigil ang sarili sa pagbulwas ng malakas na halakhak. Maraming salamat sa kanya at nalaman ko na ang aking kakulangan – ang pagiging kontento sa buhay.

Malapit na ako sa aking pupuntahan. Ilang minuto na lang at makakarating na ako doon. Lumalamig na ang paligid. Nagsisimula nang bumalot ang dilim sa kawalan. Konting sandali na lang at lulubog na ang haring araw, kasabay ang pagkawala ng isa na namang bara ng ginto na aking hawak.

“Maraming bagay tayong nais tuklasin. Maraming tanong ang nais sagutin. Minsan, kahit nasa atin na ang mga kasagutan, hindi natin ito matagpuan sapagkat tayo’y nabubulag ng tagumpay at pagkilala ng iba.”

“Hoy, si Danilo gumagawa na naman ng kwento sa panaginip!”

“Oo nga. Sir si Danilo po, natutulog na naman.”

Patay! Nakatulog na naman pala ako. Yari na naman ako nito kay Bosing.

“Mr. Ortega, natutulog ka na naman. Paano ka papasa sa subject na ito. Wala ka pang quiz na ipinapasa. Wala ka pa ring recitation. Kung hindi ka magtitiyagang mag-aral at makinig sa mga itinuturo ko, you are free to get out of the room and drop this subject. Try to have sympathy on your parents who were trying to do their best to earn money just to send you here in the University. Next time that I’d catch you sleeping inside my class, I will make sure that I will see you again next semester. Understood?”

“Ye..yee..yee..yes Sir.”

No comments: