Monday, September 8, 2008

Christian Almajar



MAUBAN-USA SCHOLARSHIP, TULAY SA AKING MGA PANGARAP

by: Christian C. Almajar

Lubos ang aking kasiyahang nadarama dahil nakapag-aral ako sa kolehiyo ngayon at iyon ay dahil sa aking isponsor na sina Mr. at Mrs. Colet. Nagpapasalamat ako dahil kund hindi dahil sa kanila, hindi ako makakakuha ng ganitong oportunidad sa buhay. Alam ko mahirap magpa-aral sa kolehiyo dahil kailangan dito ng malaking salapi. Sa ngayon, maswerte ako dahil nakatungtong ako sa kolehiyo.

Sa panahon ngayon, maraming mga kabataan ang hindi nakapag-aral sa kolehiyo dahil na rin sa kahirapan sa buhay. Masakit sa ating mga magulang na ang kanilang mga anak ay hindi nakapag-aral. Kaya ginagawa nila ang lahat para tayo’y matuto man lamang sumulat, bumasa at bumilang para hindi tayo maging mang-mang sa mundo. Pinipilit nila tayong tustusan sa ating pag-aaral. Malaking sakripisyo ang ginagawa ng ating mga magulang upang makapag-aral tayo dahil isang karangalan sa kanila na makapagtapos ang kanilang mga anak. Pero minsan, nasa ating mga anak ang problema dahil kung hindi interesado sa pag-aaral, balewala ang hirap ng ating mga magulang.

Inaamin ko, mahirap lang kami pero laging sinasabi sa akin ng aking ama na ang kahirapan ay hindi hadlang para makamit namin ang aming pangarap. Namulat ako sa kahirapan, kaya naman alam ko ang pakiramdam na kumain ng walang pang-ulam at pumasok sa paaralan ng walang baon. Naalala ko ng nasa elementarya pa lang ako, palibhasa’y malapit lang ang aming bahay sa eskwelahan kaya kahit pumasok ako ng walang baon ay ayos lang. nag-aral ako ng mabuti at nagbunga naman ito. Salitatoryan ako ng nagtapos ng elementarya, syempre masayang-masaya ang aking mga magulang at ipinagmamalaki nila ako at syempre masaya din ako.

Pero ang hindi ko malilimutang pangyayari sa buhay ko ay noong hayskul ako dahil dito halos lumawak ang aking kaisipan at lumago ng husto ang aking mga paniniwala at pananaw sa buhay. Dito rin nagsimula ng ako’y matutong umibig sa isang natatanging babae at dito rin ako nasaktan ng lubos. Dito rin nagsimulang lumago ang aking karanasan at dito nabuo ng husto ang aking pagkatao. Sa apat na taon kong ipinamalagi sa hayskul, naranasan ko ang hirap dahil kung minsan pumapasok akong walang baon at ang masakit pa, malayo ang aking pinapasukan sa aming bahay. Tiniis ko ang lahat alang-alang sa aking mga pangarap at sa aking mga magulang. Nagsikap ako upang makatapos at nag-aral ako ng mabuti para makakuha ng mataas na grado. Ikatlong karangalang banggit ang nakuha kong karangalan nang nagtapos ako ng hayskul. Ang sarap ng may karangalan.

Bakasyon, naitanong ko sa aking sarili kung mag-aaral pa ako sa kolehiyo o hindi. Ang totoo, hindi ako kayang pag-aralin ng aking mga magulang dahil kulang kami sa pera at lima kaming magkakapatid na kanilang tinutustusan. Ang isa pang dahilan ay kulang at hindi sapat ang kita ng aking ama. Parang naiisip-isip ko kung ano ang mangyayari sa akin kung hindi ako makakapag-aral sa kolehiyo, siguro magiging tambay ako o malamang magsasaka o mangingisda na lang ako. Pero mahirap magsaka dahil naranasan ko na ito, naalala ko, lagi akong sinasama ng aking ama sa pagkokopra kaya alam kong mahirap kapag hindi ka nakapag-aral.

Isang araw, sinabi sa akin ng aking ama ang tungkol sa Mauban-USA Scholarship. Naisip ko na ito na siguro ang magiging susi sa aking kinabukasan kaya inalam ko agad kung ano ang mga dapat na gagawin. Pagkatapos ng isang linggo kong paghahanda, dumating na ang araw na iyon. Pumunta ako sa lugar kung saan gaganapin, pagdating ko doon, marami palang mag-aaplay na tulad ko sa scholarship na iyon at ‘yong iba ay kaklase ko ng hayskul. Syempre habang naghihintay, nagusap-usap kami. Nang dumating na iyong mga mamimili o yung coordinator na sina Mrs. Teresita Calong at sina Tita Guy, pinapasok na kami sa isang silid at may ibinigay na susulatan, iyon bang pesonal na data at pinaliwanag nila lahat kung ano ang saklaw ng scholarship at ilan ang kukunin. Nang malaman kong isa lang pala ang kukunin, parang kinabaduhan ako dahil alam kong matatalino ang aking mga kasama sa silid na iyon. Isa-isa kaming ininterview at pagkatapos ay sinabi sa amin na abangan na lang ang resulta.

Pagkaraan ng isang linggo, lumabas ang resulta at mayroong sampung napili at ito’y pinababalik upang pumili lamang ng isa. Sa awa ng Diyos ay ako’y napasama sa sampung iyon. Kaming sampu ay pinakuha ng pagsusulit at karamihan sa tanong ay tungkol sa English grammar. Kaya naman ako’y hirap na hirap na sagutan ang mga tanong dahil hindi ako magaling sa English. Pagkatapos ng pagsusulit ay sinabi nilang abangan na lang ang resulta.

Matagal bago lumabas ang resulta at malapit na ang pasukan. Kaya naisip na lang ng aking ama na ipasok ako sa isang pribadong eskwelahan bilang isang manggagawang estudyante. Madali akong natanggap dahil may tumulong sa amin na kaibigan ng tatay ko. Ang gagawin ko dito ay papasok at kapag may bakanteng oras, ako ay magtatrabaho. Libre ang aking matrikula at nakikituloy ako sa aking tiyahin. Mahirap ang napasukan ko dahil kailangan kong gumising ng alas-kwatro ng umaga para hindi ako mahuli sa aking trabaho sa paaralan. Kasi bago pumasok sa klase, mayroon akong trabaho sa paaralan at iyon ay kailangan kong linisin ang dinadaan patungong grotto sa aming paaralan. Nagsimula ako ng aking trabaho sa paaralan ay dalawang linggo bago ang pasukan. Kailangan kong tiisin ang hirap dahil gusto kong mag-aral at makatapos.

Isang linggo bago ang pasukan, umuwi ako sa amin at pagdating ko doon ay may isang balita na tungkol sa Mauban-USA Scholarship. Kailangan ko daw makipagkita kay Ginang Teresita Calong para sa buong detalye. Naisip ko habang ako’y papunta doon na baka ako ang napili bilang iskolar. Pagdating ko doon ay kinausap nila ako at sinabi sa akin na may mas magandang oportunidad na dumating sa akin. Kumuha pala ang Mauban-USA Scholarship ng mag-iisponsor sa akin at iyon na nga sina Ginoo at Ginang Colet. Pero mayroong kondisyon, kailangan kong mag-aral sa Southern Luzon State University at ang kukunin kong kurso ay Bachelor of Science in Mechanical Engineering. Kapag hindi natupad ang nasabing kondisyon, hindi ako magiging iskolar.

Dumating ako sa puntong kailangan kong pumili sa dalawang oportunidad na dumating sa buhay ko. Hindi ko alam kong ano ang aking gagawin kaya sinunod ko na lang ang utos ng aking mga magulang at iyon ay ang kunin ang pangalawang oportunidad para hindi na daw ako mahirapan at dahil na rin siguro na baka hindi kayanin ng aking katawan ang trabaho ko sa paaralan. Litong-lito ako noon at ang ginawa ko na lang ay nagpadala sa agos ng buhay. Kasi naniniwala ako na may nakatadhana na para sa akin at depende rin sa atin kung babaguhin natin iyon. Pormal akong nag-drop sa paaralan kung saan ako nag-aplay at sinabi ko ang aking dahilan at tinanggap naman nila ang aking paliwanag.

Ang malaki kong problema ay kung paano ako makakapasok sa SLSU samantalang hindi naman naman ako kumuha dito ng pagsusulit para makapasok. Buti na lang at tinulungan ako ng aking mga dating guro sa hayskul para makapasok dito sa paaralang ito. Dahil mayroon silang kakilala na nagtatrabaho dito at humingi sila ng tulong. Simula na ng pasukan ng kumuha ako ng pagsusulit at nakapasa naman ako. Sa araw ding iyon, pagkatapos ng pagsusulit ay pormal na akong nag-enroll sa College of Engineering. Lubos ang aking pasasalamat sa mga taong tumulong sa akin.

Ayos! Iskolar na ako at sinimulan ko ng pumasok sa aking mga klase. Nahirapan ako dahil huli na ako at ang masama pa ay iyong ibang guro ay hindi ako tinatanggap at sinasabing maghanap na lang ng ibang klase dahil masyado ng marami ang estudyante nila.

Mahirap palang maging iskolar dahil mataas ang tingin sa iyo at kailangan mo pang makakuha ng mataas na grado para mapanatili ang pagiging iskolar. Hindi ko nga alam kong tatagal ako dahil masyadong mahirap ang Matematika at minsan ay mahirap intindihin ang mga guro. Pero ang alam ko, pag bumagsak ako, tigil ang pagiging iskolar ko at malamang, tigil din ako sa pag-aaral. Kapag nangyari iyon, isang malaking kahihiyan sa akin dahil alam ng aking mga kapit-bahay na isa akong iskolar. Mahirap talaga kapag iskolar, kailangan mong mag-aral ng mabuti at kailangan mong makakuha ng mataas na grado.

Ngayong nasa ikalawang taon na ako sa kolehiyo, laking pasasalamat ko sa mga taong tumulong sa akin para makuha ko ang ganitong oportunidad. Sana’y huwag magsawang suportahan ako ng aking isponsor at gagawin ko naman ang lahat ng aking makakaya. Ipinapangako ko sa aking isponsor na mag-aaral akong mabuti para hindi masayang ang ibinibigay nilang suporta sa akin. Alam ko na hindi ako makakapag-aral ngayon kung hindi dahil sa kanila. Nais kong iparating kina Ginoo at Ginang Colet ang aking lubos na pasasalamat at ng aking pamilya. Sana’y pagpalain kayo ng Poong Maykapal. Gusto ko rin pasalamatan ang Poong Maykapal dahil sa mga biyayang ibinibigay niya sa akin at sa patuloy na paggabay sa akin.

No comments: