Sunday, October 5, 2008

Donna Melanie Abanilla

B1 at B2
donamLny.*

Ayon kay George Washington, “Friendship is a plant of slow growth and must undergo and withstand the shocks of adversity before it is entitled to the appellation.” Tama naman ‘di ba? Ang pagkakaibigan daw ay parang isang halaman na kinakailangang alagaan upang malampasan nito ang lahat ng hamon at pagsubok ng panahon. Ang pagkakaibigan ay isang relasyon sa pagitan ng dalawang tao na may mabuting intensyon para sa isa’t-isa at ito ay isang kondisyon ng pagiging isang kaibigan o pagiging magkaibigan. Ito din ay isang relasyon na may pareho o tulad na kaalaman, respeto at apeksyon ang isa’t-isa. Ito din ang pagbibigay ng tulong sa isa sa oras na kailangan nito at sa oras ng kagipitan. Para sa madami, ang pagkakaibigan ay nagsisimula at nabubuo sa tiwala ng bawat isa.

Pero ano ang kaibigan? Para sa akin ang kaibigan ay isang tao na handang sumuporta sa’yo at handang tumulong ng walang kapalit. Siya ay ‘yung tao na maaari mong malapitan sa oras ng kagipitan. Ang kaibigan ay ang tao na handang tumanggap sa’yo at magbigay ng suporta kahit sino at ano ka pa man. Ang magkaibigan ay madalas na may parehong kagustuhan o pangarap sa buhay at madalas din na magkasama sila sa kasiyahan, minsan pati na rin sa kalungkutan. Nagbibigay sila sa isa’t-isa ng mga payo na maaaring makatulong sa bawat isa. Sila din ang nagdadamayan sa oras na kailangan nila ang isa’t-isa.

Madaming uri ng kaibigan ayon sa nabasa kong blog. Sa pagbabasa ko napagisip-isip ko na tama naman ang nais niyang iparating. Sa dami ng nakakasalamuha natin at nagiging kaibigan makikita natin sa kanilang pakikitungo kung anong uri sila ng kaibigan. Andyan ang Kaibigan Pang-Isang Term. Nakilala mo lang sya dahil sa kaklase mo sya para sa isang term. Siya eh yung tao na madalas mong makausap tungkol sa subject kung san kayo magkaklase. Nagkakatext-text kayo tungkol sa mga dapat gawin at isubmit para sa subject. Tuwing nagkikita kayo madalas kayong mag-ngitian at mag-hi at hello sa isa’t-isa. Nagturingan kayong magkaibigan para sa isang term pero pagkatapos ng term na iyon eh balewala na ang pagiging magkaibigan niyo. Bigla na lang nawala ang closeness niyo at parang hindi kayo magkakilala pagkatapos ng term. Andyan din ang mga Kaibigang Pang-Hi at Hello. Siya eh yung tao na kahit hindi na kayo magkaklase eh hindi pa din nakakalimot bumati ng hi o hello sa’yo at ikaw naman hindi din nakakalimot. Kaya ayun, ngiti d’yan, ngiti doon pero hanggang dun lang kayo dahil wala naman talaga kayong bond na pinanghahawakan.

Sa dami ng kaibigan mo siguradong may kaibigan ka dahil sa mga kaibigan mo. Tawagin natin silang Kaibigan ng Kaibigan. Ipinakilala lang s’ya sa’yo ng mga kaibigan mo. Pinipilit mong makisama sa kanila dahil sa kaibigan mo. Pwede din silang matawag na kaibigang pang-hi at hello. At meron din namang mga tao na sadyang hindi mo feel pero kailangan mong makipag-kaibigan sa kanila. Sila eh yung mga Kaibigang Kaaway. Pag magkausap kayo lahat ng bagay ay napagkakasunduan nyo, feeling nyo close na close kayo pero sa totoo lang sukang-suka kayo sa isa’t-isa. Pag magkatalikod na kayo tsaka kayo nagsisiraan at lumalabas na lahat ng mga bagay na ayaw niyo sa isa’t-isa. Sila yung mga kaibigan na ka-plastikan mo lang.

Sa isang grupo ng magkakaibigan hindi mawawala ang mga Kaibigang Utusan, Kaibigang Feeling at Kaibigang Pa-sosyal. Ang mga kaibigang utusan eh yung mga oo lang ng oo sa mga gusto mo, na kahit na anong iutos mo eh gagawin. Sa sobrang kabaitan nila minsan napagkakamalan na silang uto-uto at naaabuso ang kabaitan nila. Ang mga kaibigang feeling naman eh yung wala ng ginawa kundi mang utos na lang ng mang utos. Sila yung feeling boss sa grupo. Gusto nila ay lagi silang nasusunod sa lahat ng mga gusto at ayaw nila. At ang mga kaibigang pa-sosyal naman eh yung mga tao na natural lang ang pagiging sosyal o nagpapakasosyal o hindi naman talaga sosyal. Sila yung makikita mong payosi-yosi para lang masabi na nagyoyosi. Sila yung madaming wants sa buhay kahit hindi importante yung mga wants nila.

Siyempre meron din yung mga naging kaibigan mo dahil may iba kang nararamdaman para sa kanila o sila naman para sa’yo. Yung Kaibigang Type mo at yung Kaibigang Type ka pero di mo Type. Tuwing kasama mo ang mga ito hindi mo alam ang gagawain mo. Hindi mo alam kung saan ka lulugar sa kanila at kung paano ka kikilos.

Sa lahat ng mga kaibigan mo iilan lang ang makikilala mo na totoo sa’yo. Sila ay yung mga tunay na kaibigan. Alam n’ya ang buong pagkatao mo pero tanggap ka pa rin kung ano at sino ka. Madalas mo s’yang kakwentuhan, katawanan at kalokohan sa personal, telepono, YM o kahit sa text lang. Hindi sya nakakalimot na batiin ka sa mahahalagang okasyon sa buhay mo. Tuwing may problema ka siya lang yung tao na matatakbuhan at mahihingahan mo. Handa ka nyang ipagtanggol sa lahat ng oras kahit alam nyo naman na kaya mo sarili mo. Siya ang tanging kaibigan mo na handang suportahan ka sa lahat ng bagay. Siya lang ang marunong umintindi sa lahat ng problema mo. Masaya ka tuwing kasama mo sya. Wala sikretong tinatago sa’yo, walang halong ka-plastikan, lahat tunay at lahat ay totoo.

Naalala ko tuloy ang bestfriend ko. Nakilala ko s’ya nung naging magkaklase kami noong grade 3 kami. Noon magkaibigang pang-isang term lang at magkaibigang pang-HI at HELLO lang kami. Siguro hanggang sa pagiging magkakalase lang ang samahan namin noon. Nagdaan ang ilang taon at naging magkaklase ulit kami noong first year high school. Naging magka-barkada kami at hindi nagtagal naging magbestfriend. Nung una biruan lang ang pagiging magbestfriend namin. Uso kasi ‘yun sa amin dati. Hindi talaga kami close noon sa isa’t-isa, tawagan lang namin ang “bestfriend”, masabi lang na magbestfriends kami. Pero habang lumilipas ang panahon naging tunay na magbestfriends nga kami. Naalala ko pa nga ‘yung sinabi niya dati na “bestfriends are worst enemies”, takot s’ya noon na magkaroon ng bestfriend dahil sa kasabihan na iyon. Siyempre para sa akin hindi. Ayaw kong maniwala sa kasabihan na ‘yun. Gusto kong patunayan sa kanya na mali iyong kasabihan. Hindi nagtagal ang tawagan namin na “bestfriend” ay naging katotohanan na. Naging magbestfriend na talaga kami. Kaming dalawa ang laging magkasama sa barkada, laging magkakwentuhan at magkatawanan, kaya ayun, nakuha namin ang tiwala ng bawat isa.

Ang bestfriend ko ang tanging kaibigan ko na nasasabihan ko ng mga saloobin at mga nararamdan ko. Handa s’yang makinig sa mga sasabihin ko at hindi s’ya nawawalan ng oras para sa akin. Sa lahat ng kaibigan ko s’ya lang halos ang may alam ng buong pagkatao ko. Lagi n’yang pinapalakas loob ko tuwing may problema ako. Sa kanya ako lagi humihingi ng tulong sa mga bagay-bagay pag hindi ko na alam ang gagawin ko. S’ya ‘yung kumukompleto ng araw ko, masaya ako pag andyan s’ya. Sa tagal ng aming pagkakaibigan ay para na kaming si B1 at si B2. Para na kaming magkapatid. Lagi kaming nagkakasundo sa mga gusto at ayaw namin sa isang bagay. Lagi kaming andyan para sa isa’t-isa. Hindi kami nagiiwanan kahit na may tampuhan kami. Tanggap namin ang buong pagkatao ng bawat isa.

Ako at ang bestfriend ko ay madaming pagkakatulad sa ugali kaya madali kaming nagkakaintindihan sa mga bagay bagay. Pareho kami ng gusto at mga ayaw. Pareho kaming mataas ang pride, stubborn pagdating sa pamilya, matulungin sa kapwa, mabait sa kaibigan at maalalahanin sa isa’t-isa. Sa palagay ko, ang pinagkaiba lang namin ay ang “friendliness” niya at ang lakas ng loob niya na wala ako.

Halos limang taon na ang aming pagkakaibigan at habang tumatagal lalo kaming nagiging malapit sa isa’t-isa, mas madaming bagay ang aming natutuklasan sa bawat isa, ang mga sarili naming kahinaan, kalakasan at tibay ng aming pagkakaibigan. Pero di namin masasabi na perpekto ang aming pagkakaibigan. May mga panahon na masaya kami lagi, meron din namang okay lang at meron din na nagkakatampuhan kami o nagkakagalit. Sa pagkakaibigan namin, hindi nawawala ang pagtatampuhan namin. Minsan nga sa simpleng dahilan lang. Naalala ko nung high school kami, halos isang buwan kaming hindi nagusap dahil sa simpleng tampuhan na hindi na namin alam kung ano ba talaga ang naging dahilan.

Grumaduate kami ng masaya subalit sa hindi inaasahang pangyayari ayun, nawalan kami ng komunikasyon dahil sa may boyfriend na sya at nagkasundo sila na kahit sino ay wala makakaalam ng cellphone number nila. Nagdaan ang birthday ko nang hindi manlang sya pumunta sa bahay ko. Sobrang nalungkot ako noon dahil wala ang bestfriend ko. Nakakalungkot din na isipin na kasama ako sa mga taong hindi dapat makaalam ng number nya. Hay!

At eto ngayon, college na kami. Pareho kaming nag-aaral sa SLSU. Nagulat nga ako nung unang enrolment nang malaman ko na sa SLSU din s’ya mag-aaral. Sobrang saya ko noon dahil makakasama ko ulit ang bestfrfiend ko. Sabay naming tatahakin ang landas ng pagiging college. ‘Di ba ang saya n’un? Kasama mo ang bestfriend mo sa saya at paghihirap mo sa college. Ngayong college madami ang nagbago, marami kaming nakilala na mga bagong kaibigan, maraming natuklasan sa buhay at kung ano-ano pa. Sa paglipas ng panahon hindi nawala ang madalas naming hindi pagkakaintindihan. Nitong mga nakaraang linggo may isang maliit na bagay na naman kaming hindi napagkasunduan. Naulit ‘yung nangyari sa amin nung high school, ang hindi namin pag-uusap. Katulad noon mag-iisang buwan na ang nakalipas at hindi pa din kami nag-uusap. Inaamin ko naman sa sarili ko na kasalanan ko kung bakit kami nagkatampuhan, dahil ‘yun sa pagtatago ko ng sikreto sa kanya. Pero nakapag-sorry na ako. Nakakalungkot lang isipin na ang dami nang mga nangyari na hindi namin napagkwekwentuhan at napaguusapan sa loob ng halos isang buwan. Pero sa kabila ng lahat nakakatuwang isipin na kahit hindi kami naguusap ay hindi pa din nawawala ang pagpapahalaga at pagaalala namin sa isa’t-isa, na kahit sa gitna ng tampuhan hindi pa din kami nakakalimot sa mga nakasanayan naming gawin para sa isa’t-isa.

Ang sarap isipin na s’ya ang bestfriend ko. Hindi ako nagkamali nang ibigay ko ang buong pagtititwala ko sa kanya. Sobrang nagpapasalamat ako na nagkakilala at naging mag-kaibigan kami.

Ang masasabi ko lang dapat nating ingatan at alagaan lahat ng tao na nakapalibot sa atin dahil sila rin ang makakatulong at makakapagpalakas sa atin. Higit sa lahat ingatan natin ang ating mga tunay kaibigan. Sila kasi ‘yung laging andyan para damayan at pakinggan ka. Sila din ‘yung mga tao na totoo sa’yo, may magandang hangarin para sa’yo. Ang ganda kaya sa pakiramdam kung masasabi mo na may kaibigan ka, ‘yung tunay na kaibigan at meron kayong magandang pagkakaibigan, dahil ang pagkakaibigan ay isang blessing na ating natanggap mula sa Panginoon kalakip ang tunay nating mga kaibigan, mga kaibigan na sasamahan ka hanggang sa huli, ang pagkakaibigan din ay hindi natatapos, nagsisimula ito sa maliit at unti-unting lumalaki at isa ang pagkakaibigan sa kinukuhanan natin ng lakas sa pagharap sa hamon ng buhay.

Salamat B2!