Monday, September 8, 2008

Reyneiro Belardo



Kapatiran

"Samahan ng mga may pinagsamahan... kapatiran!"

"Killing spree!"

... "aww!" Nasabi na lang ni Roy matapos mapatay ang hero.

" Hahaha… Bonus!!! Weak…" malakas na sigay ng isang kalaro.

"Yabang!!! hindi pa tapos… mamaya ka sa akin!" naaasar na sagot ni Roy.

"Easy lang mga tol… laro lang yan." Sabat ng isa pang kalaro.

Matapos magsalita may namuong katahimikan sa loob ng computer shop hanggang sa matapos ang game.

"Hahaha bonus ka talaga Roy… isa pa ano!?" nang-aasar na hikayat ng mga kalaro. "Ok lang panalo naman kami… ahm… ayaw ko na tol may klase pa kasi ako." Sabay tingin sa hawak na cell phone.

"Huwag kana pumasok Roy kami nga hindi na papasok."

"Sorry talaga mga tol…" at nagmamadaling lumabas.

"Late na ako." Naisaloob ni Roy.

Pagdating sa tapat ng room sumilip at kaagad pumasok sa may likuran ng mapansin na hindi nakatingin ang Guro.

"Hay naman my Quiz nga pala." Sabay palo sa noo. Matapos ang madugong quiz nanlalambot na napatingin sa labas ng bintana si Roy. Nang mapansin ang naggagandahang mga ulap naalala niya ang kanyang magandang at napakabuting ina si Sarah Borja nasiyang nagpalaki sa kanya. Naalala din niya bigla ang matapang niyang ama na si Roland Borja na nagpupunyagi at nagpapakahirap para sa kanilang pamilya at para na din sa kanyang kinabukasan. Nanlumo bigla siya ng mabatid na wala pa siyang naipapasang quiz sa halos lahat ng subject niya. Napailing na lang siya ng mapansin ang pagtayo ng Prof. niya. Tsk tsk tsk… dismissed na pala ang klase. Natapos ang isang linggo sa kanyang buhay na parang sa pakiramdam niya wala siyang nagawang tama. Sa boarding house niya napasalpak na lang ang kanyang katawan sa kama matapos makapasok sa kwarto niya. Pinili na lang niya ang magsolo sa silid dahil sa pagkakakilala niya sa sarili na walang magkakagusto na makasama siya.

Solong anak siya. Lumaki siyang palaaway at siga sa kanilang lugar. Wala siyang naging kaibigan dahil na rin sa kanyang ugali. Madalas ay umuuwi siyang may mga pasa galing sa away. Noon nga ay nakipag-away siya sa kanyang kaklase na naging dahilan ng pagkakaroon niya ng peklat sa kanyang kanang noo. Lalo pa itong nagpakita ng kanyang pagiging basagulero. Gwapo sana siya, nga lamang hindi siya marunong ngumiti.

Dahil tanging ang mabait na ina lamang niya ang kanyang kasama sa paglaki, siniusunod nito ang lahat ng kanyang layaw, kahit minsan ay nagdudulot pa siya ng sakit ng ulo sa kanyang pamilya. Bihirang umuwi ang kanyang ama na nasa ibang bansa. Naghahanap-buhay kasi ito doon upang mabigyan ang kanyang pamilya ng magandang buhay at para na rin masuportahan si Roy sa kanyang pag-aaral. Guston ni Roy maging isang Enhinyero kaya naman kumuha ito ng kursong Mechanical Engineering.

Isang araw , habang naglalaro ng Dota sa isang computer shop na malapit sa eskwelahang pinapasukan niya, nakilala niya ang kanyang unang kaibigan. Si Norm, isang kilalang kilabot sa kanilang paaralan. Kilala itong pabalik-balik sa Dean's office dahil sa mga offenses na ginagawa. Narinig pa niya na gumagamit ito ng ipinagbabawal na gamot. Halata naman ito dahil sa payat nitong pangangatawan at sa madungis nitong kaanyuan. Isa rin itong Engineering student kaya naman palagi na silang nagkakasama. Sa kabila ng masasama nitong katangian, nanatili pa rin ang pakikisama ni Roy sa kanya, at itinuring niya itong parang isang kapatid. Pinagkatiwalaan niya si Norm sa halos lahat ng bagay hanggang umabot sa punto na hindi na siya makatanggi sa mga kagustuhan ng kanyang kaibigan.

Dahil sa kaibigan, may mga gabi na umuuwi siyang sumisiring sa kalasingan. Nagagalit na nga tuloy sa kanya ang mga kasama sa boarding house dahil napupuyat sila sa pag-iingay at pagwawala niya.

Isang gabi, niyaya siya ni Norm na lumabas para pumunta sa kaarawan ng isa nitong kabarkada. Nagkainuman at nagkasayahan sila. Sa kalaliman ng gabi, nagkaroon ng hindi inaasahang pangyayari.

"Pare takbo!!!!" ang malakas na sigaw ng isang kainuman na nakakita sa pagdating ng mga kaaway nila.

Hindi niya akalain na may kagalit pala ang kanyang kaibigan at sa gabing iyon ay tatambangan sila. Hindi na siya masyadong nakalayo dahil sa labis na kalasingan. Nadamay siya sa mga pangyayari at nagtamo ng saksak sa kanyang kaliwang dibdib na halos ikamatay niya. Nagtakbuhan na ang iba sa kanyang mga kasama at naiwan siyang sugatan.

Bago siya tuluyang mawalan ng malay, may narinig siyang isang boses ng babae na isinisigaw ang salitang "tulong…"

Nagising na lamang siya sa isang hospital at naaninag ang imahe ng isang babae.

"May malay na po siya.." ang sabi ng babae sa doctor na nasa 'di kalayuan.

Doon na lamang napag-alaman ni Roy na isinugod siya sa hospital ng isang babae na nagngangalang Lhena.

"hi..are you already fine? Ako nga pala si Lhena." Malambing na tanong nito sa kakagising pa lamang na si Roy.

"aaahh…ayos lang ako.." ang naguguluhang sagot ni Roy.

"Pasalamat ka, napaagap ng dating yang si Lhena, kung hindi, pinaglalamayan ka na ngayon." Ang pabirong sabi ng doctor.

"aahhm…sa-..salamat Lhena,."ang nahihiyang sabi ni Roy kay Lhena. Bakas sa mukha ni Roy ang pagkakaroon niya ng interest at fascination sa babaeng nagligtas sa kanyang buhay.

"Hala sige, magpahinga ka na muna Hijo.Huwag ka ng mag-alala, natawagan na namin ang mga magulang mo. "at lumabas na ang doctor sa kaniyang silid.

Naiwan ang dalawa at doon na nga isinalaysay ni Lhena kay Roy ang nangyari at kung papaano siya nito natagpuan.

Dumating ang isang araw na dinalaw siya sa Hospital ng isang di kilalang lalaki.

"Ikaw ba si Roy?" ang tanong ng lalaki na may malagong na tinig.

"Oo, bakit? Sino ka ba? Ang nagtatakang tugon ng nakahigang si Roy.

"Cleon ang pangalan ko.Makinig ka sa aking mabuti."

"Ano bang kailangan sa akin?"ang sabi ni Roy.

"Wala na si Norm, napatay siya nung gabing iyon." Ang pasimula ng lalaki.

Hindi siya kaagad nakapagsalita. Napuno ng galit ang kanyang dibdib.

"May paraan pa para gumanti…"ang dagdag ni Cleon.

"kahit ano pa ang paraan na y'on, sasama ako sa plano ninyo." Ang galit niyang wika.

Matapos marinig ni Cleon ang pagsang-ayon ni Roy, sinabi niya na kailangan niyang sumali sa kanilang Fraternity at maging bahagi ng kanilang kapatiran. Tumango na lamang si Roy at nagpaalam na si Cleon sa kanya.

Pagkatapos ng ilang linggong paglalagi sa hospital, tuluyan na siyang gumaling. Bagama't isang beses pa lamang itong dinanadalaw ni Lhena, naging masaya naman siya sapagkat binabantayan siya ng kanyang ina. Wala siyang narinig na sermon mula sa kanyang ina, bagkus puro pag-aalala at takot na mawala siya ang kanyang naramdaman mula sa ina. Nalaman niya sa ina na hindi makakarating sa kanyang ama ang lahat ng nangyari.

Pagkabalik niya sa eskwela, nakita niyang muli si Lhena. Napag-alaman niya na isa itong Nursing student . Niligawan niya si Lhena, at napansin niya sa kanyang sarili ang malaking pagbabago buhat ng pumasok sa kanyang buhay ang unang babaeng kanyang minahal, si Lhena..

Kasabay ng Acceptance niya sa Fraternity na dating kinabibilangan ni Norm, sinagot siya ni Lhena na labis niyang ikinasaya.

Dumating ang araw na pinakahihintay nila, ang makaganti sa Frat na pumatay sa tinuring niyang parang tunay na kapatid. Huli na nang malaman ni Lhena na kasali sa Frat si Roy. Pinuntahan ni Lhena ang lugar na paggaganapan ng away ng dalawang grupo dahil sa sobrang pag-aalala kay Roy. Sa hindi inaasahang pangyayari, nadamay sa gulo si Lhena at lubhang nasugatan. Dahil sa pagdating ng mag pulis, nahinto ang gulo sa pagitan ng dalawang grupo. Dinala kaagad ni Roy si Lhena sa pinakamalapit na Hospital.

Habang nag-aagaw-buhay si Lhena, pinagsisihan ng lubos ni Roy sa harap ng altar nag mga nagawang kamalianat nangakong magbabago bigyan lamang si Lhena ng isa pang pagkakataong mabuhay.

Habang natutulog si Roy sa tabi ni Lhena, may narinig siyang isang boses na parang narinig na niya noon pa. Pagkamulat ng kanyang mga mata, nasilayan niya si Lhena, mayroon ng malay at nakangiti sa kanya.

Labis na ipinagpasalamat ni Roy ang pagbibigay ng isa pang pagkakataon na mabuhay ang kanyang unang pag-ibig.

Simula noon, nagbago na ang lahat kay Roy.

"Hindi pa huli ang pagsisisi

para sa mga taong bukas ang

puso para magbago…."

WAKAS

Julie Kaye Concibido



Pahina ng Imahinasyon sa Telebisyon

“Sa komiks pwede kang mangarap kahit na anong naisin mo.”

Malawak, makulay at mapaglaro ang imahinasyon ng mga Pilipino. Nagagawa nilang makatotohanan ang mga imposibleng bagay sa pamamagitan nito. Dahil sa pagiging likas na malikhain nailalapat nila ito sa papel na lumilikha sa istoryang magmamanipula sa isipan at magpapatakbo sa imahinasyon ng mga tao. Ganyan ang komiks.

Nagsimula bilang komik ‘strip’ sa mga dyaryo at magasin na makikita lamang sa isang pahina. Nagbigay kasiyahan sa mga mambabasa ang maikling kwentong may konting larawan. Tinawanan ang bawat linyang ibinabato ng mga karakter sa isa’t isa.

Isang aksidente lamang ang pinagmulan ng tunay na komiks. Sinasabing nasa tamang lugar at panahon lamang si Tony Velasquez nang magawa niya ang karakter na si Kenkoy. Lumabas ito sa Liwayway Magazine noong 1920. lumawak at lumago ang industriya ng komiks. Naglabasan ang mga Pilipinong may kanya-kanyang talento sa paglikha ng mga karakter mula sa isipan hanggang sa maging isang istoryang iguguhit sa papel. Nalibang at nasiyahan ang mga taong nakakikita at nakababasa ng mga komiks na likha ng mga Pilipino. Hanggang sa tuluyan na nga nitong manipulahin ang isipan ng mga tao.

Inabangan at binigyang panahon ng mga mambabasa ang susunod pang mga edisyon ng kanilang hinangaang komiks. Dahil sa malaking kahalagahang ibinibigay ng mga tao sa oras ng kanilang paglilibang ang mga komik ‘strip’ na naging comic books ay hindi na rin nagpahuli sa telebisyon.

Ang imahinasyong bumuo sa mga pahina ay isinatelebisyon na.

Naaalala ko pa ang isang komik magasin na nabasa ko noon. Hindi siya buong istorya sapagkat may mga susunod pang edisyon. Naglalarawan ito sa isang simpleng dalagang Pilipina na nagkaroon ng kapangyarihan mula sa isang bato na galing sa kalawakan. Natuklasan niya ito at ginamit noong 18 taong gulang siya. Nagkaroon siya ng kakaibang lakas tulad ni Samson, kakaibang bilis at hindi tinatablahan ng mga sandatang likha ng tao. Ginamit niya ang mga kakayahang ito upang labanan ang mga kampon ng kadiliman o yung masasamang nilalang. Siya ang babaing superhero ng Pilipinas si Darna. Nilikha at ipinakilala siya ng sikat na comic artist si Mars Ravelo.

Upang lubos na makilala at maipakita sa Pilipinas ang kakayahan ng babaing superhero, itinanghal ang kanyang kauna-unahang pelikula sa sine Pilipino noong 1951 sa pangunguna ng aktres na si Rosa del Rosario bilang Darna. Ginampanan naman ni Mila Nimfa ang ordinaryong dalagang si Narda. Ipinakilala din sa pelikula ang nakababatang kapatid ni Narda, si Ding na ginampanan naman ni Manuel Ubaldo. At ang kakaibang nilalang na reyna ng mga ahas ang ultimate kalaban ni Darna si Valentina.

Pinag usapan, hinangaan at tinangkilik ng mga Pilipino ang obrang bumago sa pantasya ng buong bansa.

Kakaiba naman ang pelikulang lumabas ng sumunod na taon. Hindi na si Valentina ang nagnais na sumakop ng buong mundo. Binuhay ang bagong karakter na ginampanan ni Elvira Reyes, ang Babaing Lawin.

Nang sumunod na mga taon walang lumabas na pelikula si Darna. Tuluyan na nga ba siyang nagpahinga?. Mababaon na ba sa limot ang babaing superhero?. Makikilala kaya siya ng bagong henerasyon?.

Nasagot ang mga tanong na yan pagkalipas ng 11 taon. Pinasikat muli ni Liza Moreno ang karakter ni Darna sa dalawang magkasunod niyang pelikula ‘Si Darna at ang Impakta’ at ang ‘Isputnik vs Darna’. Sumunod naman si Eva Montes sa kanyang ‘Darna at ang Babaing Tuod’ noong 1965. ‘Darna at ang Planetman’ noong 1969 ang pinasikat at ginampanan ni Gina Pareno.

Sino naman ang makakalimot sa linyang “Ding, ang bato” sabay lunok at sigaw ng “Darna” na lalo pang pinasikat ng batikang aktres na si Vilma Santos noong1973 sa kanyang tatlong pelikulang ‘Lipad, Darna, Lipad’, ‘Darna at ang Higante’ at ang ‘ Darna vs The Planet Women’.

Sa ilang edisyon ng pelikulang Darna maraming mga bagong karakter ang naipakilala na nagmula din sa komiks. Naging makatotohanan ang bawat serye ng pahina ng komiks na Darna nang ito ay ipinalabas sa big screen ng mga sinehan.

Sa lahat ng mga pelikulang Darna, ang pelikula noong 1979 ang nagpaluha sa katatawa sa mga Pilipino nang gampanan ng hari ng komedya na si Dolphy ang karakter na Darna sa pelikulang ‘Darna Kuno?’. Kinabaliwan at talagang tinawanan ang pagganap na ito ni Dolphy. Tinangkilik ito ng mga Pilipino. Sa ‘Bira, Darna, Bira’ ay si Rio Locsin naman ang bida. Pinalabas ito tatlong buwan pagkatapos ng Darna kuno.

Muling nagbalik si Vilma Santos bilang Darna sa ‘Darna at Ding’ noong 1980. kasama ang makulit at bibong bibong si NiƱo Mulach sa papel na Ding. Pagkalipas ng 11 taon binuhay muli ni Nanette Medved ang karakter na Darna. Binuhay ring muli ang karakter ni Valentina sa katauhan ni Pilar Pilapil. At noong 1994 ipinalabas ang kahuli hulihang pelikula ni Darna na ginampanan ni Anjanette Abayari.

Maraming humanga sa galing at lakas ni Darna. Kaya’t lumabas din siya sa iba’t ibang pelikula tulad ng ‘Terebol Dobol’ na ginampanan ni Chiquito, ang kauna-unahang lalaking Darna, sa ‘Captain Barbell’ na ginampanan naman ni Sharon Cuneta noong 1986 at Regine Velasquez noong 2003 at marami pang iba.

Talagang tumatak sa mga Pilipino ang pangalang Darna. Mas nakilala nila ito ng magsimula itong ipalabas sa mga sinehan.

Abril 11, 2005, bilang pagpupugay muli sa babaing superhero ng Pilipinas ipinalabas ang pangalawang serye niya sa telebisyon. Sa pangunguna ng batikang aktres na si Angel Locsin ng bagong henerasyon. Maraming naging mga pagbabago sa serye na lalo pang nagbigay buhay sa mga karakter na nabuo lamang sa imahinasyon. Ipinakilala rin ang iba’t ibang karakter na hindi naipakilala sa komiks tulad nina Nosferamus, ang Mambabarang, si Sulfura, Dr. Zombie, Molecula, Toymaster, Divina Devinica at si Black Darna. May mga nadagdag ding sitwasyon na lalong nagpaganda sa kwento, nagpahaba at nagbigay kulay sa buhay ni Darna. Malaki din ang nagawa ng teknolohiya upang mas maging makatotohanan ang bawat serye ng kanyang pakikipaglaban. Sa bawat araw na ipinapalabas ito sa telebisyon mas lalong nagiging buhay sa imahinasyon ng mga Pilipino ang karakter ni Darna.

Imahinasyon ng mga malilikhaing Pilipino ang nagbibigay kulay sa bawat araw na mapapanood natin ang iba’t ibang pantaserye na ipinapalabas sa telebisyon. Sa telebisyon mas nagiging makatotohanan ang mga pangyayari sa isang kwentong puno ng mahika. Tulad ng paglipad ni Darna, hindi natin aakalain na gawa lang ito ng mahika ng teknolohiya sapagkat nakikita natin ang mga lalarawang sa himpapawid lamang nakikita. Imposible sa totoong buhay, diba?. Pero posible at nagagawa sa telebisyon.

Ang laki ng kaibahan ng isang napapanood kesa sa nababasa at nakikitang guhit na larawan lamang. Nadadag-dagan ang mga sinaryo sa pelikula na nagmumula sa mga babasahin tulad ng komiks. Ang mga imposibleng mangyari, makatotohanan sa matang nakatutok sa telebisyon. Ngunit hindi pa rin matatawaran ang mga ideyang makukuha natin sa pagbabasa.

Nagmula sa imahinasyon, iginuhit sa papel na bumuo sa isang kwentong naging libangan hanggang sa maging karakter sa telebisyon na gumuguhit sa bawat araw ng mga taong nabubuhay sa totoong mundo.

Dawil Ona



Iyon lang pala

by: The First Will

Mahapdi ang sikat ng araw na tumatama sa mala-kayumangging balat ng mga taong dumaraan sa kalsada. Ayaw man nilang maambunan nito, wala silang magawa sapagkat walang lilim na masisilungan.

Habang naghihintay ng daraang bus, aking minamasdan ang bawat taong dumaraan sa harap ng aking kinauupuan. Iba’t-iba ang hugis ng kanilang mukha, gayundin ang emosyong makikita sa kanilang mga mata. Maraming nagmamadali na parang nakikipaghabulan sa oras kahit wala silang pag-asang maabutan ito.

“Ano ba? Tumingin ka naman sa dinaraanan mo!” Ang sigaw ng isang binibini na nabangga ng isang lalaking walang pakialam sa mga nakakasalubong sa daan.

Sumakay na ako sa bus na unang dumaan. Ayaw kong naghihintay ng matagal. Mahalaga ang oras at isa pa, marami akong dapat gawin.

Simula pagkabata, malaki na ang ibinibigay kong halaga sa oras. Bawat segundo ay mahalaga, marapat lang na sa lahat ng pagkakataon ay may mahalagang bagay na ginagawa.

Itinuturing kong ginto ang oras. Bawat araw na lumilipas ay isang pirasong bara na nawawala sa aking hawak na kayamanan. Kaya wala akong sinasayang na kahit isang sandali. Lagi kong ginugugol ang aking mga bakanteng oras sa pag-aaral. Naniniwala kasi ako na kapag nakapagtapos ako ng kolehiyo bilang cum laude, may mapapatunayan na ako at magagawa at makukuha ko na ang lahat ng aking ninanais.

Sa tuwing natatapos ang pagsusulit, palagi akong inaakit ng aking mga kamag-aral sa inuman upang makalimutan daw ang mga babagsaking eksam. “Sumama ka na. Maglibang ka naman kahit paminsan-minsan lang!” Ang paulit-ulit nilang sinasabi sa akin. Subalit hindi ko tinatanggap ang masugid nilang paanyaya. Kailangan ko pang pag-aralan ang susunod na paksang tatalakayin sa bawat asignatura.

Masarap sa pakiramdam kapag maraming humahanga sa’yo. Bawat papuri nila ay isang pulgada na dumaragdag sa aking tangkad. Nararamdaman ko na tinitingala ako ng bawat taong nakapaligid sa akin, na hindi nila ako kapantay, na hindi ako basta-basta.

”Ang galing mo naman! Paano mo ba nagagawa iyon? Ikaw na naman ang pinakamataas,” ang kadalasang sabihin sa akin ng mga kaklase ko pagkakatapos malaman ang resulta ng eksamin. Pumapalakpak ang aking tenga sa tuwa sa tuwing maririnig ang mga pagkilalang nagmumula sa kanilang mga labi.

Subalit, kasama noon ang pangambang maputulan ng paa, ang madapa at ‘di na muling makalakad pa. Natatakot ako na mangyari sa akin iyon, kaya patuloy kong pinipilit tapusin ang aking mga nasimulan kahit nararamdaman kong may kulang sa aking buhay. Hanggang meron akong paa, patuloy ko itong ihahakbang upang makamit ang aking mga adhikain.

Bata pa lang, hinahangaan na ako. Napansin na agad ng aking mga magulang ang kakaiba kong husay. Hindi ako naging pangkaraniwang bata. Sa halip na maglaro sa parang kasama ang mga kasing-edad, mas pinipili kong mag-aral sa pagbasa at pagsulat ng mga salita na sa paaralan karaniwang ginagawa. Lalo pa nilang napuna ang kakaiba kong talino nang ako’y nag-aral sa elementarya. Simula sa unang baitang hanggang sa ika-anim ay ako ang nangunguna sa klase. Ako rin ang pinipili ng mga guro upang kumatawan sa paaralan sa bawat tagisan ng galing. Hindi naman ako napapahiya, nakakaya kong panindigan lahat ng aking ginagawa. Nagtapos ako taglay ang pinakamataas na karangalan, na naging dahilan ng lalo pang pagmamalaki sa akin ng aking mga magulang at mga kapatid. Subalit parang may kulang…

Matulin ang takbo ng sinasakyan kong bus. Mabuti iyon at makakarating agad ako sa aking patutunguhan. Iyon nga lang, may bahid ng panghihinayang akong nadama. Hindi ko kasi namasdan ang tanawing palagi kong tinititigan sa tuwing daraan ako sa lugar na iyon – ang matayog na bundok na pinaiibabawan ng bughaw na papawiring napapalamutian ng mapuputing ulap at ibong tagak na nagliliparan. Madarama mo ang katahimikan at kaginhawaan sa iyong kalooban.

Masarap balik-balikan ang lugar na iyon gaya ng pagbalik sa oras na nakamit ko ang bawat tagumpay na aking pinagsikapan. Para sa akin, maraming sukatan ang tagumpay. Ang bawat problemang kinakaharap na nabibigyan ko ng solusyon, ang bawat laban na naiipanalo at ang bawat pangarap na naaabot ay itinuturing ko nang tagumpay.

Akala ko, sa pagtungtong ko ng sekundarya, ay aking mapupunan ang kakulangang naramdaman nung nasa elementarya pa lamang. Mas pinagbuti ko ang aking pag-aaral sa pag-asang dito ko makukuha ang kukumpleto sa aking buhay na matagal ko nang hinahanap.

Subalit nagkamali ako. Lalo lang akong napalayo dito. Nasanay akong mabuhay sa inaasahan ng ibang tao sa akin. Kahit may mga bagay na ayaw kong gawin, ito’y pinipilit kong gustuhin at gawin makuha lang ang pagkilala at papuri ng iba. Sa halip na matutunan ang mahahalagang bagay na dapat malaman sa labas ng paaralan, dito’y naging mangmang. Mas pinili kong pag-aralan ang mga bagay na walang kinalaman sa aking buhay, mapataas lang ang gradong makuha sa kard at malampasan ang lahat ng aking kamag-aral at manguna sa klase.

Ang init ng panahon, pinalala pa ng usok na ibinubuga ng mga sasakyang hindi na makaalis sa kinalalagyan. Nahinto pa ang bus na aking sinasakyan sa ‘di kaaya-ayang lugar, puno ng sasakyang nagbubuga ng makapal at maitim na usok, mga taong ‘di magkamayaw sa tawaran ng presyo ng bilihin at mga batang pinabayaan ng kanilang mga magulang. Parang matatagalan pa ako bago makarating sa layong pupuntahan.

Naiinis na ako sa hindi pag-alis ng aking sinasakyang bus sa lugar na iyon, nang maalala ko na sa ganung lugar ko natagpuan ang matagal ko nang hinahanap – ang kakulangan sa aking buhay.

Bakasyon, pagkatapos ng aking pag-aaral sa sekundarya taglay ang pinakamataas na karangalan, ako ang laging pinapamalengke ni Inay. Isang araw sa aking pamimili, nakita ko ang isang lalaking double amputee na tuwang-tuwa habang tumatalon. Nasabi ko tuloy sa aking sarili, “Mabuti pa siya. Kahit kulang ng dalawang kamay ang parte ng kanyang katawan, nakakatawa siya ng animo’y walang problema. Samantalang ako, kumpleto nga lahat ng bahagi ng katawan, ang laki naman ng kakulangan na aking nararamdaman.”

Noon ko naisip na hindi lang tagumpay ang kumukumpleto sa bawat tao. Sumasaya sila dahil kontento sila sa kung ano ang meron sila at dahil sa gusto nila ang bawat ginagawa nila. Noon ko lang din naisip ang malaki kong pagkakamali. Naghahanap ako ng bagay na sa sarili ko lang matatagpuan. Nagpapakahirap akong makamit ang ninanais na nasa akin na rin, kailangan ko lang na mapagtanto ito at matuklasan ng sa sarili ko lang.

Laking pasasalamat ko sa taong iyon. Nalaman ko na ang pagiging kontento ang kukumpleto sa aking buhay. Dahil sa aking katuwaan at kuryusidad, nilapitan ko ang taong iyon upang malaman ang sanhi ng kanyang pagkatuwa sa galak. Tinanong ko siya kung bakit siya tumatalon sa tuwa. Hindi naman ako nabigo na malaman iyon. Iyon nga lang, malayong-malayo sa aking inaasahan ang kanyang naging kasagutan. “Ang kati kasi ng itlog ko, hindi ko makamot.”

Umalis na ako pagkatapos kong marinig ang kanyang sagot, na pilit pinipigil ang sarili sa pagbulwas ng malakas na halakhak. Maraming salamat sa kanya at nalaman ko na ang aking kakulangan – ang pagiging kontento sa buhay.

Malapit na ako sa aking pupuntahan. Ilang minuto na lang at makakarating na ako doon. Lumalamig na ang paligid. Nagsisimula nang bumalot ang dilim sa kawalan. Konting sandali na lang at lulubog na ang haring araw, kasabay ang pagkawala ng isa na namang bara ng ginto na aking hawak.

“Maraming bagay tayong nais tuklasin. Maraming tanong ang nais sagutin. Minsan, kahit nasa atin na ang mga kasagutan, hindi natin ito matagpuan sapagkat tayo’y nabubulag ng tagumpay at pagkilala ng iba.”

“Hoy, si Danilo gumagawa na naman ng kwento sa panaginip!”

“Oo nga. Sir si Danilo po, natutulog na naman.”

Patay! Nakatulog na naman pala ako. Yari na naman ako nito kay Bosing.

“Mr. Ortega, natutulog ka na naman. Paano ka papasa sa subject na ito. Wala ka pang quiz na ipinapasa. Wala ka pa ring recitation. Kung hindi ka magtitiyagang mag-aral at makinig sa mga itinuturo ko, you are free to get out of the room and drop this subject. Try to have sympathy on your parents who were trying to do their best to earn money just to send you here in the University. Next time that I’d catch you sleeping inside my class, I will make sure that I will see you again next semester. Understood?”

“Ye..yee..yee..yes Sir.”

Maria Dolora Manzanilla



Wanted: Bed Spacer

“Ate Char eto na po,” sabay abot ni Isabel ng 650.00 na upa sa kanyang landlady para sa buwan ng January.

“Mabuti naman Isabel at nakapagbayad ka na ngayon. Aba’y patapos na uli ang buwan ng February ngayong linggong to kaya kailangan moh na uling magbayad. Tsk, tsk, ako’y napapagalitan na ng may-ari. Alam mo naman ang sistema di ba?” mahabang sabi nito.

“Opo,” ang tangi n’yang nasagot. Ni hindi pa nga nag-iinit sa bulsa ko yang pera tapos me kasunod na agad!

“Alasais pa lang!” tingin niya sa relo sabay takbo papuntang terrace, ang paborito niyang tambayan sa Angels.

Apat taon na si Isabel sa College, sa kursong Civil Engineering. Wala kasi silang maayos na bahay at matagal na niyang pangarap maging isang engineer kaya ‘yon ang kinuha n’ya. Nang makapasa siya sa entrance exam, nagdesisyon siyang doon na lang mag-aral. Sinabi niya ito sa kanyang nanay na si Nay Solis. Tandang-tanda pa niya ang kanilang pagtatalo noon.

“Bakit ba kailangang doon pa ha Isabel? Mayroon namang mas malapit na school! Baka naman may boyfriend ka na at doon mag-aaral kaya doon din ang gusto mo? Ang hirap-hirap magboard! Magbibisyo ka lang, magbubulakbol. Baka pag-uwi mo pa dito eh buntis ka! Malilintikan ka talaga sa kin! Tsaka lalaki lang lalo ang gastos natin. Panu ang lingguhan mong baon? Arawan lang naman ang kita ko, tapos rerenta pa sa bahay. Wala tayong pera!”

“Wala akong boyfriend. Tsaka scholar naman ako pagpasok dun ah! Hidi ko na lang ibabagsak yung mga subjects ko para hindi matanggal yung scholarship ko. Ang mahal-mahal pati dyan sa malapit. Lalong hindi kaya. Sige na, payagan nyo na ako!” pilit niya.

Naghanap pa si Isabel ng pedeng pag-applayan ng scholarship para may pambaon siya at nang payagan na din ng kanyang ina. Mabuti na lang at nabigyan siya ng barangay. Dahil doon, pinayagan na siya ni nay Solis na pumasok sa Southern Luzon State University sa Lucban. Masyado siyang nagging excited kahit na kinakabahan habang papalapit ang pasukan. Nagsimula siyang maghanap ng boarding house.

BED SPACER (maleMALE). No deal

Apartment for rent: No visitor Allowed. Ang higpit ah!

Wanted: Bed Spacer (male and female). Try!

Ang Angels boarding house ang napili n’ya sapagkat wala masyadong boarding house na katabi. Malaki din ang kwarto at kama, ayos lang din ang renta. Medyo malayo nga lang sa school.

Nakaroon ng maraming paghahanda ang kanyang nanay para sa kanyang pagpasok kaya nang makitang mas naging abala ito, natakot siya. Tama kaya tong desisyon ko? Pero nadito na, wala ng urungan.

Noong mga unang araw, hirap na hirap si Isabel. Nakakatawang isipin na halos umayaw na siya at tumigil na lang. Madalas siyang umiyak. Hindi pala madali. Mahirap pa ang kanyang course, lalo na ang buhay boarder. Napakabilis ng oras. Lahat ng dapat n’yang gawin, nakaplano, bawal sumablay. Pati oras ng pagkain, dapat pang iayos. Dapat ganito, dapat ganyan…

“Tit tit tit tit, tit tit tit tit, tit tit tit tit.”

Napabalikwas ng bangon si Isabel. Alas singko na. Oras na ng pagbangon, maaga pa ang pasok. Alas syete y medya pa ang pasok ni Isabel kung tutuusin ngunit kailangang bumangon ng maaga para may maliguan. Sa Angels’ girls unit kasi, alas singko pa lang ng hapon, may mga basket na agad ng sabon ang cr, ibig sabihi’y nakareserve na ang banyo kinabukasan. At dahil halos pagabi na ang labas niya sa hapon, hindi na siya umaasang may maliliguan pa kung magpapatanghali ng gising, pwera na lang kung ang mga room mate nya ay nakapagreserve din.

Malas naman ngayon, kelangang magmadali. Sabay talon sa kama at naghanda sa paliligo.

“Huu! Lamig!” “toktok!”

“Bakit?”

“Sino yan?”

“Isabel,” ang bilis naman!

“Matatapos ka na?”

Patay! “Huh? Ahm oo, saglit lang!” pambihira, ang-aga ko na ah! Sabay buhos ng tubig at diretso na agad sa paliligo. Naeebs pa naman ako!

“Tapos na ‘ko! Salamat!” Haay, dinaig ko pa si Speedy Gonzales dun ah!

5:25 am. “Si Tin kaya? 7:30 din yun ah,” bulong n’ya. Napatingin siya sa mga room mates n’ya. Si Shaine, second year, BSBA. Sa lahat ng kanyang room mate, ito ang may pagkamisteryosa, prangkista din ito, emo ika nga. Ok naman, hindi s’ya masyadong nakikipag-usap pero mabait, marunong maksama. Sarap ng tulog! “Uuuuhhh,” napalingon siya kay Anne. Matanda ito sa kanya ng isang taon, dapat graduating na, kaso may pagkatamad pumasok. Noong unang beses niyang nakita ito, natakot siya, nakakaintimidate kasi. May pagkaliberated, mayaman pa. naalala pa niya nung tinanong n’ya ito, “Bakit hindi ka na lang mag-apartment? Kaya mo naman ang magrent di ba?”

“Eh di solo na naman ako? Malungkot, ayoko nun!” sabay tawa.

Natuwa siya dahil hindi naman pala mahirap pakisamahan si Anne. Naisip pa niya na wala talagang perpekto. Nananaginip na naman ‘to.

Sa taas ni Anne, si Junne, ang pinakamatanda sa kanilang lahat. Beterance sabi ng ibang boarder. Siya ang kauna-unahang bumati at kumausap sa kanya noon. Nagkaroon siya ng instant ate sa kanya. Pala kwento, sa dami ba naman ng naging experience n’ya.

Buti pa sila, puro tulog lang. 5:30. Kakain pa ako.

“Ate Char magkano po ‘to?”

“8 ‘yan, buo kasing embutido eh.”

“Sige, tsaka kanin, penge naring ininit ha! Thanks!”

“Hindi ako nakapag-init, wala na akong gatong eh.”

“Huh?” problema to! Hindi kasi s’ya nag-aagahan kapag walang mainit na iniinom.

“Oh sige, magkano po ba lahat?”

“13 lang.”

“Eto po,” sa taas na lang ako kakain.

Si ate Charito, bukod sa pagiging landlady ay may pagkabusiness minded din. Nagtitinda ito ng ulam at kanin t’wing maga, tanghali at gabi, may merienda pa. Bukod sa mga boardmates, kailangan ding pakisamahan ang buong pamilya ni ate Char, s’ya, ang kanyang asawa, at ang tatlo nilang anak. Mabait naman ang mga ito, kapag nagpapaturo ng assignment! Si ate Char, ok lang din, kapag nilalambing at kapag sa kanya bumibili ng pagkain! At wag na wag gagawa ng kalokohan, tulad ng pag-iingay, lalo na ‘pag gabi dahil magugulat na lang ang sinuman pagkagising na pinag-uusapan na ng buong Angels. May libre pang “murang almusal”. Sa kaso ni Isabel, sanayan lang. Pero nung mga unang buwan, madalas s’yang makalibre ng “murang almusal” dahil napapabilang s’ya sa mga nagkakasiyahan. May pagkakataong napaiyak s’ya dahil doon.

“Tok, tok, tok!”

“Bukas ‘yan!”

“Sabel peram naman ng plantsa?” si V, boarder sa kabilang kwarto.

“Sige, andyan lang sa likod ng pinto. Pasoli na lang ha.”

“Sige salamat.”

Alasais na ah! Wala pa din si Tin.

“Good morning!” sigaw ng dumating.

“Tin!” nagulat niyang sigaw, sabay takip ng bibig. “Wag kang sumigaw! Kaw talaga,” mahina niyang sabi.

“Kumusta?”

“Ayos lang. Maghuhugas lang ako Tin ha.”

Si Tin, yun ang pinakamatalinong boardmate n’ya. Nung una, may pag-aalinlangan si Sabel dito. Masyado kasing madaldal at maingay. Pero nang malaman niya ang mga credentials nito, napanganga s’ya, consistent DL, candidate for cum laude, at laging nanalo sa qiuz bee! Magaling talaga!

“May mga next pa ba sa cr Kaye? Naeebs na kasi ako eh. Heheh.”

“Oo. Wala pa nga akong maliguan eh,” sagot nito habang naghuhugas ng pinggan.

“Bakit ang baho Sabel?” tanong ni Tin. Sumunod pala ito pababa hawak ang face towel.

“Me suka ng pusa! Kahapon pa nga yan eh. Ewan nga, hindi man lang malinis. Pati cr! Ang dami pa ding sachets,” himutok n’ya habang sinimulan na ang paghuhugas.

“Haaay…lagi naman eh. Tapos pinalala pa ng mga sachets na yun. Nagmumukha na ngang shampoo store ‘yang cr natin eh. Lahat ng brands, meron na! Dinaig pa yung tindahan sa tapat!” malakas nitong sabi habang naghihilamos. Nagparinig na naman. Napangiti siya. May karapataan naman itong magparinig, sila. Naglilinis kasi sila ng banyo kapag talagang kailangan na. kaya hindi nila ito masisisi kung sakali.

Pero madalas nang nagtataka si Isabel kung bakit hindi pa din “nalulugi” ang shampoo store nila. Mga wala ba talaga silang paki? Kahit kasi anoung gawing pagpaparinig, hindi pa din nawawala, nahihiya.

“Haaaay…”

“Ano nga palang oras ang labas mo mamaya, Sabel?”

“A-? ‘ang’ang ‘iks ‘o ng’yn? ‘ket?”

“Heheh…Birthday ko kaya! Isabel ha! Inuman mamaya. Oh wag kang mag-inarte dyan ha!” sabay buhos sa mukha.

Nagmumog muna siya. “Heheh, syempre hindi ko nakalimutan yun! Kaw talaga. Ahm, sige pero hanggang dalawang tagay lang ako ha.”

“Hmp! Lagi naman eh! Pero sige payag na! Heheh!”

Kung minsan, naisip ni Isabel kung bakit hindi n’ya matanggihan ang kanyang mga room mates. Pero lagi ring sumasagi sa isip n’ya na iba-iba man sila ng ugali at personalidad, nagtutulungan at talaga namang mababait sila sa is’t isa. Kaya siguro.

“Magpapalantsa pa ako! 6:30 na!” Hindi na naman isinoli. Nasa kabila pa naman ang kabayo.

Nagmamadali na s’yang bumaba.

“Oh Alex, peram naman ng plantsa pagkatapos.”

“Ha? Me kasunod pa ako, si Mark. Sabihin mo na lang sa kanya,” sabi nito habang tuloy lang sa pagplantsa.

Huh? “Ah sige,” hindi nya napigilan ang pagsimangot. Buti na lang at busy ito sa ginagawa.

“Oi Mark panext naman sa plantsa,” nang lmabas ito sa kwarto.

“Sige!”

Sa angels, dalawang kabayo lang ang ginagamit ng halos isandaang boarders. Isa sa third floor at sa first floor ng boys unit. Kailangan pang bumaba ni Sabel mula second floor at pumnta sa boys unit para makagamit. Kaya silang bong room 3 eh sa kwarto na lang nagpaplantsa madalas.

“Tagal mo ah,” pansin ni Tin nang makaakyat s’ya at “mahiram” na ang plantsa.

“Oo nga eh. Marami pa kasi ang gumamit pa. hindi na kasi ako nakapagplantsa kagabi kasi’y nabasa ng ulan ‘tong blouse ko.”

Sa maga, ganun lagi ang routine ni Isabel. Lagi na kasing 7;30 ang pasok n’ya. Kailangang maayos ang schedule para hindi malate.

“Sabel sabay na tayo ha.”

“Ang ingay,” ungol ni Junne. Nagkatinginan sila.

“Ssshhh,” senyas ni Isabel.

“Sige. Tin kinakabahan ako. Malalaman na ang result kung papasa ako sa major. Kung kelangan kong magremoval o wala na talagang pag-asa. Nakakatense, kasi five units yun!”

“Haay, ayan ka na naman. ‘Wag mo nang kaisipin yun dahil baka kung mapa’no ka pa. Mag-iyal ka na naman tulad nung first year ka! Heheh! Joke lang! Wag mo na lang isipin munang mabuti. Papasa ka dun!”

Sana nga.

Paalis na sila ni Tin nang may magsalita.

“Nagmisa na naman ang mga prefects ng Hogwarts! Akala mo naman…” malakas na sabi ni Zel. Isa sa mga hindi makasundo ng room ni Isabel.

“Tara na Tin,” mabilis niyang sabi kay Tin, hawak na niya ito sa braso. Prangka kasi ito. Kailangang mapigilan agad.

“Ang kapal nun ha!” naiinis na wika nito habang naglalakad papuntang school.

“Hayaan na lang natin. Ganun talaga. Napuruhan mo kasi eh, hehehe.”

Tsk, tsk, away to.

Hindi iilang bese na nagkroon ng ganoong pangyayari sa Angels. Medyo hindi pa din siya sanay. Takot pa din si Isabel kung minsan. Kung tutuusin ang dami na n’yang natutunang paraan ng pakikisama, ngunit kung minsan kulang pa din. Hindi na siguro talaga maiiwasan ang ganun lalo na kung iba’t ibang ugali at personalidad ang makikilala at makakasama.

“Bye Sabel! God bless!”

“Kaw din! Thanks!” naghiwalay na sila.

Papa God…

Malaki ang pangamba ni Isabel na bumagsak. Mahirap kasi ang mag-aral sa boarding hose. Masyadong maingay. Parang laging may concert sa katabi nilang unit. Kung minsan kahit may exam, nagkakantahan pa din. Buti sana kung nakakaengganyong pakinggan, kaso’y dinaig pa ang pirated cd sa pagtalon. Isama pa ang madalas na pag-iinuman sa kwarto nila. Kahit kinabukasan ay maaga pa ang pasok, sige pa din. Kaya hindi s’ya makapagconcentrate. Madalas pang puyat sa kwentuhan ng mga room mates. ‘Wag ng idagdag ang nakakalugaw-utak n’yang subjects. Kaya talagang nag-aalala na s’ya kung pa’no niya maipapasa ang kanyang grade.

Malalagot s’ya sa kanyang nanay. May pangako siya.

“Oh Isabel! Kanina ka pa namin hinihintay,” masayang sigaw ni Anne.

“Kumusta naman Isabel? Positive ba?” nag-aalalang tanong ni Junne.

“Negative,” wika ni Shaine.

Napatingin dito ang lahat. Nagtatanong.

“Obvious naman oh. Tingnan n’yo si Isabel, namumula na ang mata.”

“Negative,” malungkot niyang saad, “Wala na akong magagawa. Ganun talaga. Happy birthday na lang Tin!” hindi na niya napigilan ang pag-iyak.

“Kaya mo yan Sabel. Eto tagay mo,” si Junne.

Isang taon na naman pala ang nakakalipas, gagraduate na ako next year! “Haaay ,” buntong hininga ni Isabel nang maalala ang isa sa pinakamahirap na gabi n’ya habang mag-isang dinala ang mabigat na problema.

Alalang-alala siya noon nang umuwi siya sa kanila. Patay ako kay Nanay.

“Panu tayo nagayon? Natanggal na yang scholarhip mo. Panu na ang pangtuition mo? Wala pa naman akong malaking kita ngayon. Tapos mag-aaral pa yang kapatid mo! Kung anu-ano siguro ang pinaggagagawa mo doon ano Isabel!?”

Hindi siya nakapagsalita. Kasalanan niya. Kulang pa ang kanyang ginawang pag-aaral.

“Tumigil ka na lang muna.”

“Pero sayang naman! Dalawang taon na lang, gagradate na ako. Aayusin ko na lang ulit para mascholar Nanay,” umiiyak niyang sabi.

Napangiti si Isabel nang maalala ang tagpong iyon sa pagitan ng kanyang ina. Ang drama!

“Hoy ‘te Sabel!” agaw ni Jane sa kanyang pansin. “Kanina ka pa bmubuntong-hininga dyan ah! May problema ka na naman ba?”

Napatingin sa nagsalita. Si Jane,freshman. BACom ang course.

“Wala to! Kaw talaga,” napangiti na naman siya. Ang bagong ate junne.

7:30 na. “Nakakain na ba kayo, Jane?”

“Hindi pa nga eh. Ang tagal mo kasing mag-emote eh. Hahaha!”

“Sa labas na lang ba tayo kakain?” tanong ni Shaine.

“Oo! Para wala nang hugasan!” sabay nilang sagot ni Jane na kinatawa ng lahat.

03 06 08 Thursday

Helloh!... 4 years na aq dito sa Angels!...yehey isang taon na lang gudbye na!...heheheh…ang dami-dami na palang nangyari sa kin dito noh?...hmmmm, ayos lang…masaya naman kahit talagang mahirap…ang dami ko pating naging frendz!...nakakatuwa!...hehehe…achievement na din to di ba?...sana makaya ko pa…isang taon pa… …nakapagbayad na nga pala aq ng renta…syempre naawward!...pinagbabayad aq uli!...hehehe…yae na!...sigeh bye na muna for now!..oi bitu na lng pala naredeem ko uli ung scholarship q noh?...haaay,

Hhmmm, Papa God guide me poh!...Salamat!...

11 na. Tulugan na uli. Pagkatapos magsulat ni Isabel sa Kanyang journal.

“Oh goodnight na! papatay na lang ng ilaw ha! Thankz!” ahhh! Maglalaba pa nga pala ako! Bukas na lang! hehehe..

Ryan Percol



Batang Palengke

By: pErky_Percol

Naisip mo na ba? Naisip mo na ba ang buhay ng isang trabahador sa pamilihang bayan? Yung gigising ka ng maagap upang simulan ang iyong trabaho na habang ang buong mundo ay tulog. Na sisimulan mo ang umaga ng iyong buhay na walang sikat ng araw na maaninag.

Naisip mo na ba yung araw na mawawala ang hiya mo sa kapwa upang makabenta lang? Yung bang babatiin mo yung isang tao kahit hindi mo siya kilala. Na kaylangan mong pakisamahan lahat ng tao sa palengke para marami kang kaibigan at suki. Ang pagkapal ng mukha mo para lang gamitin sa pakikipagsales-talk sa mamimili. Yung pambobola sa tao at hindi sa iyong nililigawan upang mabenta ang panininda mo. Ang pakikipag talo mo sa kapwa tindero na ng aagaw ng suki. Yung nakatayo ka sa buong maghapon na halos mamitig ang iyong binti kung maraming namimili. At yung araw na nag-iinit ang iyong pige dahil sa wala kang mamimili. Ang araw na walang tulugan lalo na kung Pasko, Bagong Taon at iba pang okasyon. Ang araw na mapapaisip ka kung saan mo kukunin ang pambabayad sa utang sa supplier. At higit sa lahat yung maranasan mo yung pagod na pagod ka maghapon sa pagtartrabaho ngunit pagdating ng hapon ang iyong kita ay kulang pa rin sa mga gastusin mo. Ilan lang iyan sa maari mong maranasan kung ikaw ay magiging tindero sa palengke.

Ang pagkakaroon ng negosyo sa pamilihang bayan ng aming pamilya ay mahirap na tungkulin kung kaya’t ako din mismo ay natutong magtrabaho sa palengke. Naging katulong ako sa pagtitinda ng gulay sa palengke simula pagkabata hanggang ngayon hindi ko na maalis ang pagtulong sa aking magulang sa palengke. Kasi naman lumaki na ako na namumuhay ako kasama ang aking pamilya sa pagtratrabaho sa pamilihang bayan. Mahirap maging batang palengke. Sabi nga ng marami, malaki ang maiibigay sa iyong buhay ng iyong kapaligirang ginagalawan. Ang iyong ugali at pakikipagkapwa ay maari mong makuha sa iyong kapaligiran. Kung anung ugat ay siya din ang bunga.

Madaling isipin na ang buhay ay madali at masaya, ngunit hindi ganun lahat ng buhay. Ang buhay ng isang batang nagtratrabaho sa palengke ay hindi basta-basta, ito ay puno ng kulay at talagang makabuluhan. Naranasan mo naba yung gigising ka ng alas kuwatro ng umaga upang simulan ang iyong araw ng paghahanap – buhay. Kung iisipin napakaagap nito pero ito ang katotohanan na nangyayari sa mga pamilihang bayan dito sa ating bansa, dahil sa hirap ng buhay kaylangan agapan para makarami ng benta sa maghapon. Ang buhay ng isang tindero sa palengke ay isang digmaan na halos walang katapusan, tulad na lang ng pagdating ng umaga na madami na ang mamimili ay simula na ng labanan na ang tanging sandata ay ang galing sa sales-talk at pambobola. At isa pang masaklap ay sa gitna ng labanan ay halos malimutan mo na ang pagkain ng agahan dahil sa kagustohang bumenta ng marami.

Pagsapit ng tanghali ay oras na ng pahinga upang maghanda muli sa susunod na bakbakan sa hapon. Eto na nga ang hapon na kay lilom na nagsasabi na simulan na muli ang labanan para sa aking kinabukasan. At pagsapit ng dilim ay nagsasaad nang muling pagsasara ng pamilihan para sa paghahanda sa bagong bukas na darating. Kung iisipin ay parang normal pero kung inyong mararanasan ay baka hindi mo kayanin. Ang ganitong buhay ay puno ng kulay na maaaring kalungkutan o kasiyahan, at puno ng pakikipagsapalaran sa buhay.

“Batang palengke, ugaling palengke.” Maraming nagsasabi na hindi maganda ang may ugaling palengke pero sa totoo lang hindi lahat ng ugaling palengke ay walang naiidulot na maganda sa halip ay ito ay may kapakipakinabang na dulot sa ating buhay. Una, natututo ang taong makitungo sa kapwa. Pangalawa, nalalaman ang ganda ng buhay habang nasa murang edad pa lang. At isa pa, ay yung pagkatuto na mamuhay sa sariling pagod at pawis. At higit sa lahat ay nagiging masipag ang isang bata kung sila ay lalaki sa isang pamilihan dahil dito ay matututo ka na magsipag upang mabuhay.

Ugaling palengke mahirap aralin at baguhin. Dahil sa ito ay maaari mo lang matututunan sa kapaligirang iyong ginagalawan, kapaligirang tulad ng palengke. Dahil dito mo lang makikita yung mga bagay at mga ugali ng tao na wala sa ibang lugar. Gawain na tulad ng mga sigawan sa umaga, tadtaran ng karne sa madalingaraw, hagikhikan sa tanghali sa oras ng chikahan at maingay na pagsasara sa gabi. Mga salitang pambola sa mamimili ang iyong maririnig sa mga tindero. Mga asaran para may kasiyahan sa maghapon. At mga tinginan na parang nahihili pagmarami ang nabili sa kabilang tindahan. Ang mga batang naghahabulan sa hapon kalaro ang kanilang mga kaibigan sa palengke. At ang biglang sigawan kung may naghahabulan ng taga at nagsusuntokan sa may karnihan at biglaang darating ng mga tanod para umawat sa kaganapan.

Hindi rin naman nawawala ang panahon ng kasiyahan at tawanan. Ang paglalaro sa mga anak at apo ang mga magtitinda sa pamilihan dahil sa ang lilikot ng mga bata. Ang pagkakaron ng mga outing kasama ang mga maninindahan para naman makapagrelax at makipagbonding sa iba. Ang walang patid na kantahan kapag mga lasing na sa party. At ang walang patid na usapan tungkol sa mga teleserye sa T.V. na kanya kanyang sinusubaybayn ng bawat isa, na sila daw ay halos mapaluha na sa mga kaganapan at mapatawa sa komedya na napanuod. At hindi mawawala sa buong maghapon ang hindi ka makakakita ng mga palengkero at palengkera sa pamilihan na talaga namang walang patid sa pakikipagbalitaktakan sa mga tindero tungkol sa mga bagong chika sa buong bayan. Sila yung mga taong madaming alam sa mga chismis sa bayan at hindi na uubusan ng maiimik sa daling sabi madaldal na tao.

Iilan lang yan sa maari mong makuha na ugali sa isang pamilihang bayan, ugaling sa unang tingin ay hindi maganda at walang saysay sa buhay ng isang taong puno ng pagsisikap sa buhay. Pero maganda na mututunan ang mga ganitong bagay upang magamit sa pagdating ng takdang panahon. Panahon na haharapin na ang mga problema sa buhay. Kung marami ang umaasa na ang batang palengke ay may masamang ugali dun sila nagkakamali. Dahil sa ako ay lumaki ng puno ng pangaral sa aking mga magulang.

Ang isang kabataang lumaki sa isang kapaligirang hindi kaayusan ang kalagayan ay nararapat lang na mabigyan ng masugid na patnubay ng magulang sa kanyang pangaraw – araw na pagsulong sa buhay. Sa kadahilanang baka ito ay maligaw ng landas na tinatahak. Ito ang huhubog sa kanyang pagkatao at paggawa ng pananaw sa buhay. At yun nga ang kagandahang nagawa sa akin ng aking magulang, dahil sa sila ang aking nagging patnubay sa aking pagtahak sa magulong landas ng buhay. Pinangaralan nila ako tungkol sa pagkakaron ng isang magandang asal at pananaw sa buhay. Asal na aking nagagamit pa hanggang sa mga panahong ito at pananaw na nagigi kung gabay sa pagabot sa aking mga pangarap sa buhay. Ang pananaw na ang buhay ay puno ng pagsubok na kaylangang lampasan upang makamtan ang bawat tagumpay. Na ang bawat pagsubok ay may kaukulang dahilan kung kaya’t ito ay pinararanas sa atin. Kadahilanang tayo ay hinuhubog para mas maging matibay na mamamayan. Mamamayang magsisimula ng pagbabago sa ating lipunan. Sa lipunan na puno ng paghihirap at pagsubok na kaylangang malampasan upang makamit ang ating minimithing tagumpay.