Sunday, October 12, 2008

Renz Darwin Reyes


FRAGILE
(This Side Up)

By: Renz Darwin Reyes

“Daddy andyan na ang LBC!” sigaw ng aking kapatid. Kasalukuyan akong tumutugtog ng gitara noon. Hindi ko alam kung bakit may LBC, Lumabas ako para tignan kung ano iyon. Dumating na naman pala ang package na padala ni nanay. Padalawang beses na niya iyon ginagawa ngayong taon. Tatlong malalaking kahon ang lulan ng delivery van. Mukhang mabigat ang bawat kahon. Anu nga kaya ang laman noon… T.V., Washing Machine...? Nasasabik na kaming makita ang mga laman ng kahon.
Ako ang pumirma ng mga papeles na kailangang pirmahan. Kasama din ako sa picture para malaman na natanggap namin ang mga package; pagkatapos ay ipinasok namin iyon sa loob ng bahay. Tulong- tulong kami. Mabigat nga. Parang may kung anu sa loob. Dali- dali namin itong ipanasok sa loob ng bahay at dahan-dahang ibinaba sa may salas. Isa-isa naming binuksan ang kahon.

Bata pa lamang ako ay pangarap ko ng magkaroon ng magulang na nasa abroad. Tuwing nakikita ko ang aking mga kaklase na may mga dala-dalang imported na pagkain at gamit, inggit at selos ang aking nararamdaman. Noon nga ay tinatanong ko pa sa aking sarili kung kailan ba pupunta ng abroad si nanay o si tatay. Gusto ko rin kasing magkaroon ng mga gamit na katulad ng sa aking mga kaklase. Para bang napakasarap sa pakiramdam kapag katulad ka nila. Oo nga at nakatanggap din ako ng mga gamit galing abroad pero galing lang sa mga kamag-anak. Iba pa rin kapag magulang mo ang talagang may dala.

Hindi man nangibang bansa ang aking magulang noon, pinipilit nilang ibigay hindi lang ang mga pangangailangan namin kundi pati narin ang luho. Napakasuwerte ko nga dahil sila ang mga naging magulang ko. Ang ligaya na dulot nila ay hinding-hindi ko makakalimutan. Ibang saya ang nararamdaman ko kapag andyan sila. Hindi ko ba maipaliwanag. Napakarami na nilang nagawa para sa amin. Hindi ko na nga matandaan kung kailan ko nga ba huling nasabi na mahal na mahal ko sila. Hindi naman kasi ako masalitang tao . Lahat ng gusto kong sabihin sa kanila ay para bang baduy pakinggan kaya hindi ko na lang sinasabi. Hanggang ngayon nga hindi pa rin nila alam kung gaano ko sila kamahal at kung gaano ako nagpapasalamat sa lahat ng ginawa nila para sa akin at sa mga kapatid ko. Magkakasama naman kami bakit hindi ko pa magawang sabihin ang napakaiksing salita na yun….
Dumating nga ang araw na nagkatotoo ang aking pangarap. Umalis ang aking ina at pumunta ng ibang bansa para doon magtrabaho. Natuwa ako dahil isang pangarap ko ang natupad. Sa wakas, may magpapadala na sa akin ng mga gamit at pagkaing imported. At ang maganda pa, hindi basta kamag-anak lang ang magpapasalubong sa’kin kundi sarili ko ng magulang. Tiyak kong napakadaming pasalubong ang matatatanggap ko mula kay nanay.

Binuksan na namin ang unang kahon. Kaasar! Halos mga pangbabaeng damit ang laman. Mga gamit pala iyon ni nanay. Ang iba ay mga dala pa niya ng umalis siya sa Pilipinas. Mga duster, t-shirts, pantalon, at mga blouse. Ipinauwi na niya iyon. Hindi nasiguro niya gagamitin dahil marami na siyang nabiling mga bagong damit doon. Pati nga yung jacket na suot niya ng umalis siya ay kasama sa kahon.

Tanda ko pa noong dumating ang kanyang visa, tuwang-tuwa kami! Sa sobrang kaligayahan ay hindi ko alam kung ano ang uunahin kong gawin. Tinawagan ang mga kamag-anak para ipaalam ang nangyari. Bumili ng mga dadalhing mga gamit. Siyempre kasama kami sa pamimili kaya pati kami ay naibili ng gusto din namin. Ako ang pumili ng jacket na isusuot niya pag-alis. Saktong sakto lang ang napili ko. Tamang tama pa sa klima doon. Naks… (syempre kailangan kong magpalakas kay nanay!)
Habang lumalapit ang araw ng pag-alis ng aking ina, parang may mali sa mga nangyayari. Parang may gusto akong gawin na hindi ko naman malaman kung ano. Parang may gusto din akong sabihin kay nanay na hindi ko naman masabi. Hay..makatapos magmuni-muni, natukyan ko din ang bumabagabag sa akin.parang gusto ko siyang pigilan at sabihing wag na lamang umalis at sa halip ay dumito na lang siya sa Pilipinas. Hindi ko alam kung bakit para bang nag-iba ang nararamdaman ko. Hindi naman ako dating ganito. Gusto ko pa nga noon na umalis sila eh pero bakit bigla na lang nag-iba, ngayon pang planado na ang pag-alis niya.”Nay… pwede bang dito ka na lang” ang mga katagang naglalaro sa aking isipan ng mga sandaling iyon.
Inihatid na namin si nanay sa airport. Madaling araw pa noon. Kulang na kulang ang tulog ko. Agad kaming bumaba sa sasakyan ng marating naming ang paliparan. Ako na ang nagdala nang isa sa mga maletang dadalhin niya. Habang hawak ko iyon ay para bang ayaw ko na itong bitawan. Ayoko ng umalis siya. Ngunit alam kong wala na akong magagawa para pigilan ang pag-alis ni nanay. Wala nang atrasan,ang nawika ko sa aking sarili. Halata din sa mga mata ni nanay na labag sa kanyang kalooban ang kanyang gagawin ngunit nanaig sa kanya ang pagmamahal sa amin sapagkat alam nya na ito ang makabubuti para sa aming lahat. Iniabot ko sa kanya ang maleta at doon nagpaalam kami sa isa’t isa. Noong ko lang siya nagawang halikan sa pisngi. Nahihiya pa nga ako pero ginawa ko iyon para maipalam sa kanya na mahal ko siya . Ganito pala ang pakiramdam ng malayo sa isang importanteng tao sa buhay mo, sabihin na natin na one text o one call lang ang layo ni nanay sa amin, iba pa din ang nadyan sya.
Noong unang linggo niya doon ay panay ang tawag niya sa amin. Nalulungkot siya dahil wala nga siyang gaanong kakilala doon. Kahit sa telepono lamang kami magkausap ay dama ko ang pangungulila niya. Sabi pa nga ng tatay ko, kung gusto niyang umuwi ay ayos lang kaysa naman andoon siya at nahihirapan. Ramdam ko ang kalungkutan sa mga palitan nila na salita. Ngunit naging matapang siya. Habang tumatagal ay nakikilala niya ang iba pang Pilipino doon. Halos mga kababayan din namin pala sila. Dumalang na ang pagtawag ni nanay sa amin. Hindi ko alam kung masisiyahan ako dahil nakakaya na ni nanay ang pangungulila o malulungkot sapagkat pakiramdam ko ay natutuhan na niya kaming tiisin.Ngunit naiintindiahan ko naman siya. May trabaho siya doon kaya kailangan hatiin ang oras para kumita ng pera para maipadala sa aminat para maipangtustos sa aming pagaaral.

Ang ikawalang kahon naman ay puro de lata at pagkain ang laman. corn beef, sausage, ham, toothpaste at marami pang iba. Napakarami. Hindi ko na mawari kung paano namin mauubos ang lahat ng padala ni nanay. Baka maexpire lang yung iba kaya ipamimigay na lamang namin sa mga kamag-anak.


Napakaraming mga gamit. Tuwang tuwa sila. Pero may isang kahon pa na hindi nabubuksan. Anu naman kaya ang laman noon? Nang buksan na namin ang kahon, doon bumungad ang pagkalalaking tsokolate at mga bagong damit. Napakarami. Ang iba nga ay na-deform na. Mukhang masasarap lahat. May puti, itim at may puro pa ngang tsokolate na walang halong asukal. Gusto ko nang tikman lahat!.

Matagal-tagal na rin siyang nagtatrabaho doon. Hindi pa rin siya umuuwi. Kahit nga noong gumradweyt ako ng hayskul ay hindi siya umuwi. Malungkot ako noon dahil hindi kumpleto ang aking pamilya. Ngunit hindi ko siya dapat sisihin. May trabaho siya roon at hindi niya ito maaring iwan. Isa pa mahal ang pamasahe mula London pauwi nang Pilipinas. Habang nakikita ko ang aking mga kaklaseng kumpleto ang magulang, na may nanay at tatay, ay sobrang naiinggit ako. Sabi ko sa sarili ko ay sana nandito rin siya. Napakalungkot, dapat sana ay hindi ko na pinangarap na umalis ang aking magulang papuntang abroad. Gusto kong umiyak pero nahihiya ako. Sayang nga lamang at wala siya roon. Napakarami kong gustong sabihin sa kanya. Hindi sapat ang isang beses na pasasalamat sa pagsasakripisyo niya para pagtapusin ako ng pag-aaral. Kahit na ganito lang ako ay sinuportahan pa rin niya ako. Hindi niya ako pinabayaan. Kahit na nag-iisa lang siya ay patuloy siyang kumakayod para ibigay ang aming nais.

Kumuha ako ng isang gamit sa loob ng kahon. Isang imported na jacket. Napakaganda. Tamang-tama dahil malamig sa Lucban. Magagamit ko iyon. Puwede ring pang porma at panggala tuwing gabi kung malamig. Ngunit hindi lang iyon ang pumasok sa aking isipan. Biglang naisip ko, si nanay kaya, hindi ba siya nilalamig doon? Di hamak naman na mas malamig doon kaysa sa Lucban. Baka nilalamig siya doon ngayon.

Tuwing dumadating ang package na padala ni nanay para sa amin, tuwang-tuwa kami dahil sa wakas ay may mga bagong damit at mga imported na pagkain na naman kami. Dama ko ang kasiyahan ng aming pamilya sa nataggap na mga pasalubong. Kahit ako ay tuwang-tuwa rin. May maipagyayabang na naman ako sa aking mga kabarkada. Maiinggit na naman ang mga tsismosa naming kapitbahay. Sasabihin na naman nila “wow bago, pa cheeseburger ka naman!” Ngunit ang kasiyahan ko ay panandalian lamang. Natatalo ito na kalungkutan at pagnanasang umuwi si nanay at siya ang may dala ng mga pasulubong na iyon. Kung cheeseburger lang naman ang tutumbas sa pangungulila ko sa aking ina, napakarami ko ng cheeseburger na nakain. Hindi ko masukat kung gaano ako nangungulila sa kanya. Sobra, ang tanging salitang kaya kong sabihin. Hindi matutumbasan ng materyal na bagay ang pwedeng pumuno sa nararamdaman ko.
Kapag nga tinatanong niya ako kung ano ang gusto kong ipabili sa kanya, wala akong maisagot. Alam kong kapag may hiningi ako sa kanya, gagawa siya ng paraan para maibigay ito. Kung kailangang magtrabaho siya araw at gabi ay gagawin niya maibigay lang ang gusto ko. Sasabihin ko na wala naman akong kailangan. Pero ang totoo ay meron. Hindi ito bagay. Ang gusto ko lang naman ay palagi siyang mag-ingat doon. Wag niyang pababayaan ang kanyang sarili dahil marami pa akong hindi nasasabi sa kanya. Mas gusto ko pang walang ganoon karaming gamit na imported kaysa naman magkasakit siya sa kakatrabaho doon para lang mabili ang gusto namin.
Napakahirap ng gingawa niya para sa amin. Kung minsan nga ay sinisisi ko ang aking sarili dahil hindi ko mapahalagahan ang ginagawa niyang pagsisikap para lamang itaguyod kami. Nagkakanda kuba na siya sa pagtatrabaho pero nagpapasarap buhay lang ako dito, nagpapakasasa sa mga pinapadala niya. Hindi ko man lang iniicip na dugo at pawis ni nanay ang ipinambili ng mga gamit na tinatamasa ko ngayon. Kung hindi dahil sa kanya, hindi ako makakaranas ng ganito kasarap na buhay.
Gusto kong sisihin ang aking sarili dahil hindi ko masuklian ang ginagawa niya. Ang gusto lang naman niya ay mag-aral ako ng mabuti ngunit hindi ko magawa. Napakalaki ng utang na loob ko sa aking nanay. Dapat ay gumawa ako ng paraan para maibalik ang lahat ng iyon.
Malayo man siya sa aming piling. Pipilitin naming maging matatag, at sana ay ganoon din siya. Hindi ko man masabing mahal na mahal ko siya. Sa aking puso ay hindi mahahadlangan kahit dagat pa ang aming pagitan. Kinailangan niyang makipagsapalaran para sa aming magandang kinabukasan. Kaya dapat kong pagbutihan ng sa gayon sa pagtanda nila ako naman ang pupuno sa kanilang pangangailangan.Maaring ang kinabukasan ay walang katiyakan kaya kailangan nating makipagsapalaran. Ang pag-ibig ay walang hanggan at siguradong wala ditong makakahadlang..

Napakabilis talaga ng takbo ng panahon. Halos dalawang taon na rin ang nakalipas simula noong huli kong nakita si nanay. May telepono nga at internet kung saan kami ay nakakapag-chat, ngunit hindi sapat iyon. Limitado ang oras na magkausap kami. Hindi sapat iyon para masabi kong mahal na mahal ko siya, na matagal ko na iyong gustong sabihin ngunit hindi ko magawa. Mas lalong naging mahirap para sa akin na sabihin ko na mahal ko siya dahil bihira na kaming magkausap. Ang simpleng “I Love You!” ay hindi ko pa rin mabanggit sa kanya. Kahit nga ang tanungin kung kumakain ba siya ng tama sa oras ay hindi ko rin magawa. Hindi ko masabing nagaalala ako para sa kanya.

Napakarami pang laman ng kahon. Magaganda at mukhang mamahalin lahat. Akala namin ay wala ng laman ang kahon pagkatapos naming ilabas lahat ng mga padalang gamit. Ngunit napansin ng aking kapatid ang isang sulat na sa pinakailalim ng kahon. Sulat ito ni nanay. Sabi niya sa sulat na ingatan namin ang mga padala niya. Sana raw ay maging masaya kami. Ngunit may sinabi siya sa huli. Hindi pa daw bayad ang ibang laman ng package. Nagulat kami sa sinabi sa sulat ngunit napansin kong may nakasulat pa pala sa kabila ng papel. Isang napakalaking “JOKE LEMENG!”. Sabi ko sa aking sarili, “Si nanay talaga. Kahit alam naming nahihirapan na siya sa pagtatrabaho sa ibang bansa, nagagawa pa rin niyang magbiro para maikubli ang kalungkutang kanyang nadarama. Hay naku makabalik na nga lang sa paggigitara at makapagcompose ng kanta. Kapag natapos ko iyon ay ipapadala ko sa kanya. Baka sa kaling doon ko maipadarama at doon ko maipapakita na mahal na mahal ko siya”.

1 comment:

marjealo said...

...howdie!!
hey, :)
i like your story.
it's simple, but it's nice. really. :)
'hope you write again...
till next time!